Photo Credit: Watchmen Daily Journal
RESBAK SA GRASSCOURT MATAPOS MASIBAK SA FRENCH OPEN
Matapos ang maagang pagka-lagas sa clay court ng Roland Garros, handa nang bumawi ang Pinay tennis prodigy na si Alex Eala sa pag-arangkada ng kanyang grasscourt campaign sa Lexus Birmingham Open.
Bitbit ang world ranking na No. 37, papasok ang pambato ng Pilipinas bilang Tournament Top Seed o ang numero unong liyamado sa WTA 125 circuit na ito. Makakasabayan niya sa top four spot sina Janice Tjen ng Indonesia, Tatjana Maria ng Germany, at Talia Gibson ng Australia.
Galing si Eala sa masakit na first-round exit sa French Open matapos pataubin ng kanyang dating doubles partner at 17th seed na si Iva Jokic.
Ang Birmingham Open ang ika-15 na torneo ng Pinay netter ngayong punong-punong 2026 season matapos ang kanyang mga ratsada sa Auckland, Australia, Manila, Abu Dhabi, Qatar, Dubai, California, Miami, Linz, Stuttgart, Madrid, Italy, at Strasbourg.
Bakbakang matindi ang kakaharapin ni Eala dahil maglalaro ito sa parehong singles at doubles events.
BASAHIN: ‘TRES’ NI POGOY NAGSALBA SA TNT KONTRA MERALCO
Sa singles, makakatapat niya sa unang round ang pamilyar na katunggali na si Priscilla Hon ng Australia (world No. 143).
Tabla ang naging laro ng dalawa sa kanilang head-to-head noong 2023 at 2024 kung saan nagpalitan sila ng panalo. Galing naman si Hon sa pagkatalo sa Round of 32 sa Parma Ladies Open sa Italya.
Samantala sa doubles naman, makakapareha ni Eala sa unang pagkakataon ang Czech player na si Nikola Bartunkova (No. 69 sa doubles). Nakatakda nilang banggain ang British duo na sina Harriet Dart at Maia Lumsden ngayong Lunes, hindi aaga sa alas-5:30 ng hapon.
Ang torneong ito ay bahagi ng preparasyon ni Eala para magpakitang-gilas at kumuha ng bwelo patungong Wimbledon.
Bukod dito, pinalagan na rin ni Eala ang pagsabak sa qualifiers ng HSBC Championships at Berlin Tennis Open bago dumeretso sa prestihiyosong Bad Homburg Open kung saan nabiyayaan siya ng main draw wildcard entry. (Ron Tolentino)
