Mainit pa rin ang tensyon kahit tapos na ang serye matapos ituro ng Barangay Ginebra team governor at SMC sports director na si Alfrancis Chua si Rain or Shine coach Yeng Guiao dahil sa umano’y pagmumura nito sa isang manlalaro ng Gin Kings sa katatapos lang na PBA 50th Season Commissioner’s Cup semifinals.
Sa isang eksklusibong panayam bago ang PBA Finals presser nitong Lunes, ibinunyag ni Chua na hinaras at pinagmumura ni Guiao ang Ginebra reserve player na si Ralph Cu sa gitna ng ratsada ng Gin Kings sa Game 6 kung saan nasungkit ng Ginebra ang serye—at naganap pa raw ito mismo sa harap ng mga referee.
Galit na binuweltahan ni Chua ang pamosong coach dahil sa kawalan umano nito ng preno sa bibig sa loob ng court.
BASAHIN: ‘TRES’ NI POGOY NAGSALBA SA TNT KONTRA MERALCO
“Last game lang, minura niya si [Ralph] Cu, nandoon yung referee sa harap niya, minura niya si Cu, tatlong beses, rinig na rinig. Ngayon lang ako nakakita ng ganun. Pati players ng iba minumura,” banat ng liyamadong SMC executive.
Bukod kay Guiao, hindi rin pinalampas ni Chua ang bastos umanong ugali ng import ng Rain or Shine na si Jaylen Johnson noong Game 5.
Doon na nagka-initan, kung saan nakipagsagutan ang import kay Ginebra veteran Raymond Aguilar.
“Pati ugali ng import niya ganun. Lalapit sa bench namin, mumurahin, aalaskahin ‘yung mga coaches,” dagdag pa ng gigil na si Chua.
Dahil dito, direktang ikinumpara ni Chua ang ugali ni Guiao sa pambatong coach ng Ginebra na si Tim Cone na itinuturing niyang ehemplo ng tunay na propesyonalismo.
“Compare ko siya kay Tim. Ang layo. Totally, layo. Sa ugali lang, sa kung paano mag-coach, paano humarap sa player. Ang layo. Never ko nakita si Tim na nagmura ng kalaban,” pagtatapos ni Chua. (RON TOLENTINO)
