Arestado ng mga otoridad ang isa sa mga pangunahing suspek sa naganap na brutal na pambubugbog sa isang lalaki sa Barangay 765, San Andres Bukid, Manila.
Sa ilalim ng pamumuno ni Manila Police District (MPD) Acting District Director PBGen. Arnold C. Santiago, isinagawa ang malalimang imbestigasyon ukol sa insidente na naganap noong Mayo 13, 2026, matapos mag-viral sa social media ang isang kuha ng CCTV kung saan huling-huli ang madugong krimen.
Sa naturang video, malinaw na nakita ang isa sa mga suspek habang walang awang pinapalo ng baseball bat sa ulo ang biktima, na naging sanhi ng kaniyang agarang kamatayan bunsod ng matinding head trauma.
BASAHIN: SUSPEK SA PAGPATAY TINAMBANGAN SA RODRIGUEZ, RIZAL; HULI MATAPOS MAKUHANAN NG SHABU
Dahil sa walang humpay na follow-up operations ng mga tauhan ng Dagonoy Police Community Precinct (PCP) sa pamumuno ni PCP Commander PMaj. Jomar L. Ermino, natunton at nadakip ang isa sa mga salarin na kinilalang si alias “CM”, 24-anyos, lalaki, at residente ng Barangay 767, Sta. Ana, Maynila.
Kasunod ng kaniyang pagkakaaresto, agad na iniharap si alias “CM” sa City Prosecutor para sa pagsasailalim sa mga kaukulang inquest proceedings.
Ipinaabot naman ni PBGen. Santiago ang kaniyang pakikiramay sa naulilang pamilya at tiniyak na hindi titigil ang kapulisan hangga’t hindi nakakamit ang hustisya.
“The Manila Police District remains steadfast in its pursuit to justice. We are deeply saddened by the loss of life in this brutal attack, and we assure the public and the victim’s family that those responsible will face the full force of the law,” pahayag ng direktor ng MPD.
Kasabay nito, patuloy ang isinasagawang follow-up operations ng pulisya upang matunton at maaresto ang iba pang mga kasamahang suspek na kasalukuyan pang pinaghahanap ng batas.
Inihahanda na ng MPD ang kasong Murder laban sa lahat ng sangkot na suspek para sa pormal na pag-uusig.
Kasabay nito, hinimok ng pulisya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga otoridad kung may alam sa kinaroroonan ng mga nakatakas na salarin upang mapabilis ang paggawad ng hustisya sa biktima.
