Arestado ang isang lalaking may mga nakabinbing kaso ng murder at illegal firearms matapos itong mabaril at mahulihan pa ng hinihinalang shabu sa isang liblib na lugar sa Sitio Harangan Brookside, Barangay San Isidro, sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules ng hapon, Mayo 20, 2026.
Batay sa paunang ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-4:40 ng hapon nang makarinig ng putok ng baril ang mga residente sa lugar at laking gulat na lamang nila nang makitang tumatakbo ang biktimang duguan at may mga sugat sa katawan.
Isang barangay tanod mula sa Main-San Isidro na kasalukuyang nagsasagawa ng house visitation ang nakakita sa biktima at agad na nakipag-ugnayan sa Annex Harangan, San Isidro.
BASAHIN: NUJP KINONDENA ANG BACOLOD ANCHOR NA NAG-R*PE JOKE SA LADY REPORTER HABANG NAKA-ERE
Mabilis namang ipinamahagi ang impormasyon sa mga naka-deploy na tauhan ng Sierra Patrol, na siyang umalalay sa duguang biktima at agad itong isinugod sa Montalban Infirmary upang lapatan ng lunas.
Gayunpaman, habang sinusuri at ginagamot ang biktima sa loob ng pasilidad, laking gulat ng mga otoridad nang marekober mula sa bulsa ng kaniyang pang-ibabang kasuotan ang isang pouch na naglalaman ng hinihinalang iligal na drogang shabu.
Kasunod ng insidente, pormal nang kinilala ng mga nagrepondeng pulis ang sugatang lalaki na si alias “King Abbas,” nasa hustong gulang, walang trabaho, at residente ng Sitio Sabah, Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Sa mas malalim na pagsusuri ng Rodriguez MPS, napag-alamang si Abbas ay pangunahing suspek din sa isang naganap na krimen ng pagpatay o murder incident noong nakaraang Mayo 13, 2026.
Bukod pa rito, lumabas sa masusing beripikasyon na mayroon itong aktibong warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Mohammad Aquil Tamano ng Branch 77, Regional Trial Court (RTC) San Mateo, Rizal dahil sa paglabag sa Section 32 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaya naman agad na isinagawa ng mga warrant personnel ang pag-aresto sa kaniya sa loob mismo ng ospital.
Kasalukuyan namang tinutugis ang hindi pa nakikilalang suspek na bumaril kay Abbas.
Agad na naglatag ng local dragnet operation ang Tactical Operations Center (TOC) ng Rodriguez MPS habang ang mga intelligence operatives at follow-up investigation personnel sa pamumuno ni PCPT Hector Caubat Jr. ay nagsasagawa na ng hot pursuit operation upang matunton ang bumaril.
