Binigyang-diin ni Finance Secretary Frederick D. Go sa naganap na IMF-World Bank Spring Meetings 2026 sa Washington, D.C. noong Abril 16 na ang paglikha ng disenteng trabaho para sa mga Pilipino ang sentro ng lahat ng repormang ipinatutupad ng pamahalaan.
Ayon sa kalihim, ang pangunahing layunin ng pag-akit ng mga foreign at domestic investments sa pamamagitan ng mga makabagong polisiya ay upang mabigyan ng matatag na kabuhayan ang milyun-milyong mamamayan.
Bilang bahagi ng estratehiyang ito, tinukoy ni Go ang tatlong pangunahing industriya na magsisilbing makina ng paglago para sa susunod na wave ng empleyo sa bansa: ang BPO industry, semiconductor at electronics manufacturing, at ang lumalawak na sektor ng renewable energy.
Sa sektor ng BPO, ipinaliwanag ni Go na hindi na lamang basic services ang pokus ng bansa kundi lumilipat na ito sa mga high-value services gaya ng Artificial Intelligence, data analytics, at iba pang IT-enabled services.
Ang pag-unlad na ito ay kinilala rin ni Felipe Jaramillo, Vice President for Asia and Pacific ng World Bank, na nagsabing dapat gawing ehemplo sa East Asia Pacific ang Pilipinas sa matagumpay nitong transisyon patungo sa mas mataas na antas ng serbisyo.
Kasabay nito, patuloy din ang paglawak ng semiconductor at electronics manufacturing kung saan ang mga higanteng kumpanya tulad ng Samsung ay nagdaragdag ng puhunan para sa advanced manufacturing na lilikha ng mas maraming teknikal na trabaho.
Binigyang-diin din ng kalihim ang potensyal ng Pilipinas sa clean energy kung saan ang mga hamon ng kalikasan ay gagawing oportunidad.
Ayon sa kanya, ang pagiging volcanic country ng Pilipinas at ang madalas na pagtama ng bagyo at sikat ng araw ay gagamitin upang palakasin ang wind, solar, at geothermal energy projects.
Sa kabilang banda, nagpaalala si Paolo Mauro ng International Finance Corporation na bagaman isang malaking oportunidad ang mabilis na paglaki ng working-age population ng bansa, isa rin itong hamon na nangangailangan ng inobasyon mula sa mga kumpanya at tamang kasanayan mula sa mga manggagawa.
Upang masiguro na ang paglago ng ekonomiya ay magreresulta sa tunay na oportunidad, tiniyak ng pamahalaan ang pagkakaroon ng stable na kapaligiran para sa negosyo sa pamamagitan ng CREATE MORE Act at Public-Private Partnership Code.
Kaalinsabay nito ang malaking pamumuhunan sa edukasyon at skills training upang masiguro na ang mga Pilipino ay may sapat na kakayahan para sa mga umuusbong na industriya.
Sa huli, naniniwala ang Finance Department na ang kombinasyon ng maayos na macroeconomic approach at mga programang partikular sa bawat industriya ang susi upang ang bawat reporma ay direktang pakinabangan ng bawat manggagawang Pilipino.
