Hindi kinalawang ang pagbabalik ni Bennie Boatwright matapos itong magsumite ng halimaw na 41 points upang ihatid ang San Miguel Beermen sa isang kapana-panabik na 98-94 panalo laban sa NLEX Road Warriors sa PBA 50th Season Commissioner’s Cup na ginanap sa Ynares Center nitong Linggo.
Sa kanyang unang laro matapos ang tatlong taon mula nang tulungan ang SMB sa kampeonato sa parehong conference, ipinamalas ni Boatwright ang kanyang liderato.
Tinapos niya ang laro sa pamamagitan ng isang krusyal na baseline drive at two-handed dunk sa huling 32.1 segundo na bumasag sa deadlock na 94-94.
Dahil sa panalong ito, umangat ang Beermen sa 4-8 win-loss record at pinalakas ang kanilang tsansa para sa playoffs. Naputol din ng SMB ang four-game winning streak ng Road Warriors, na nahulog sa 6-2 kartada.
Naging mahirap ang simula para sa San Miguel matapos magpakitang-gilas ang NLEX sa opening period, kung saan halos hindi sumasala ang Road Warriors sa 14-of-17 field goal shooting. Gayunpaman, binuhay ni Boatwright ang koponan sa third quarter sa pamamagitan ng back-to-back four-point shots na nagbunsod ng 14-0 run para makuha ang lamang, 64-54.
Inihayag ni San Miguel coach Leo Austria na may dinaramdam na ubo at sipon si Boatwright bago ang laro at hindi pa ito nakapag-ensayo noong Sabado para makapagpahinga.
“Talagang makikita natin ang difference ni Boatwright and a big impact siya sa team. He is really comfortable playing with the team,” ani Austria.
Tumapos si Boatwright na may 11 rebounds bukod sa kanyang 41 puntos (13-of-29 shooting), tampok ang tatlong four-pointers at dalawang triples. Siya ang ikatlong import ng Beermen ngayong conference matapos palitan si Justin Patton at ang naunang import na si Marcus Lee.
Sa panig ng NLEX, namuno si Cady Lalanne na may 35 points at 12 rebounds, ngunit nabigong isalba ang koponan sa huling sandali. Matapos ang dunk ni Boatwright, nagkaroon pa ng pagkakataon ang Road Warriors ngunit sumablay ang three-point attempt ni Richie Rodger.
Siniguro ni CJ Perez ang panalo sa pamamagitan ng isang lay-up—ang puntos na nagpapasok din sa kanya sa prestihiyosong 5,000-point mark ng liga. (Ron Tolentino)
