Bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pabilisin ang tulong sa sektor ng transportasyon, nagpalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng kabuuang P3.3 milyon para sa mga transport service entities (TSEs) sa rehiyon ng MIMAROPA.
Nitong Sabado, Abril 18, pormal na iniabot ni LTFRB Board Member Greg G. Pua kay Regional Director Eric Bautista ang 28 tseke na nakalaan para sa mga kooperatiba at operator ng mga bus, jeepney, UV Express, at ride-hailing services sa rehiyon.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II, ang hakbang na ito ay tugon sa mga kinakaharap na problema sa mga account ng ilang TSEs na nagiging sanhi ng pagkaantala ng subsidiya.
“Bahagi ito ng aming pagsisikap na mas mapabilis pa ang proseso ng pamamahagi. Regular naming binabantayan ang sitwasyon sa ground at agad kaming nagpapatupad ng mga intervention measures,” pahayag ni Mendoza.
Inaasahang maipapamahagi ang mga tseke sa mga kinauukulang TSEs sa darating na Lunes, Abril 20. Inatasan din ni Mendoza ang mga transport groups na tapusin ang distribusyon ng pondo sa kanilang mga miyembrong driver at operator sa loob lamang ng susunod na linggo.
Tiniyak ng ahensya na maglalabas din ng mga katulad na tseke para sa iba pang rehiyon na may problema sa distribusyon. Nanawagan naman ang LTFRB sa mga transport groups na agad iulat ang anumang aberya upang mabilis itong maaksyunan.
“Ang layunin ay maibigay ang fuel subsidy sa lalong madaling panahon. May mga hamon man sa proseso, sa tulong ninyo ay makakahanap tayo ng paraan para matugunan ang mga ito,” dagdag ng opisyal.
