Tinanggap ni Ramil Madriaga, ang nagpakilalang “bagman” ni Bise Presidente Sara Duterte, ang hamong suntukan ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte nitong Biyernes.
Sa isang sulat-kamay na pahayag mula sa loob ng Camp Bagong Diwa, kung saan siya nakapiit dahil sa kasong kidnapping, sinabi ni Madriaga na isang “karangalan” na makipagsuntukan sa alkalde.
“It’s an honor to exchange blows with you… [I] will accommodate your request and trade punches, kicks, elbows, backhand, roundhouse, uppercut, and headbutts even,” ani Madriaga sa kanyang mensahe.
Nag-ugat ang hamon ni Mayor Baste matapos umanong tawagin siyang “bading” ni Madriaga sa isang pagdinig sa Kamara.
Gayunman, nilinaw ni Madriaga na hindi sa kanya galing ang naturang bansag kundi sa ama mismo ng alkalde na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Madriaga, sa isang pagkakataon ay sinabi ng dating Pangulo na mas gusto nito si Sara sa politika dahil ang kanyang mga anak na lalaki na sina Rep. Paolo “Pulong” Duterte at Baste ay “baliw at bading.”
“By the way, it’s your father who said that, not me. Since I [am] sincerely a believer of your father, I believe that you’re indeed… what he said of you,” dagdag pa nito.
Bagama’t palaban, nagbigay ng payo ang 58-anyos na si Madriaga sa alkalde na humanap ng kalaban na kasing-tangkad at kasing-edad nito dahil aminado siyang “helpless” na siya sa loob ng kulungan.
Gayunpaman, handa aniya siyang ituloy ang hamon kung mabibigyan ng pagkakataong mapawalang-sala sa kanyang kinakaharap na kaso.
Matatandaang naging sentro ng atensyon si Madriaga sa pagdinig ng House Justice Panel matapos niyang i-claim na siya ang nag-deliver ng ₱125 milyong confidential funds ni VP Sara sa tatlong lokasyon sa loob lamang ng 24 oras.
Mariin namang itinatanggi ng kampo ng Bise Presidente ang mga paratang ni Madriaga, habang inilarawan ng dating pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ang mga alegasyon bilang puno ng mga “inconsistencies.”
