Sa gitna ng mga haka-haka sa susunod na hakbang ng mga veteran players ng University of the East (UE), pormal nang kinumpirma ng Lady Warriors libero na si Angge Reyes na gagamitin niya ang kanyang huling playing year para sa UAAP Season 89.
Matapos ang kanilang laban sa Ateneo na nagtapos sa kampanya ng koponan sa Season 88, binigyang-diin ng 5-foot-2 defensive anchor na hindi pa tapos ang kanyang misyon sa Recto-based squad.
“Ako may isa pa pong playing year, so I will use it po,” pahayag ni Reyes, na produkto ng UE tunghay pa lamang noong high school.
Sa kabila ng back-to-back na winless seasons ng Lady Warriors, determinado si Reyes na baguhin ang takbo ng volleyball program ng paaralan bago siya tuluyang magpaalam. Nais niyang mag-iwan ng marka at makagawa ng kasaysayan kasama ang koponan na nagtiwala sa kanya sa loob ng maraming taon.
Habang sigurado na ang pagbabalik ni Reyes, nananatili namang “uncertain” ang status nina Khy Cepada at Van Bangayan sa gitna ng papalapit na deadline para sa 2026 PVL Rookie Draft.
Bagaman may opsyon na mag-pro, kapwa mas ikinokonsidera ng dalawa ang manatili sa unibersidad upang unahin ang kanilang edukasyon.
“Sa’kin po, more on to stay talaga. Gusto ko po muna talaga matapos ‘yung academics ko. ‘Yun talaga ‘yung pinakamatimbang para sa’kin,” ani Cepada.
Gatundin ang naging pananaw ni Bangayan na mas pinipiling tapusin ang kanyang masteral degree kaysa pumasok sa professional league. “Gusto kong matapos muna ‘yung masteral ko, and wala rin po talaga akong balak mag-pro,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, ang pananatili ni Reyes ay nagsisilbing pundasyon para sa Lady Warriors sa kanilang paghahanda sa susunod na season, bitbit ang pag-asang makasungkit ng mas magandang resulta sa court. (Ron Tolentino)
