Isa ang kumpirmadong nasawi habang dalawa pa ang sugatan matapos ang isang madugong aksidente sa kahabaan ng Mayon Avenue, Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal, hapon nitong Biyernes, Abril 17.
Batay sa imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang alas-3:30 ng hapon habang ang isang Honda Beat at isang Kawasaki Barako tricycle) ay kapwa bumabagtas sa Mayon Avenue patungong Payatas Road-Crossing.
Ayon sa pahayag ni alyas “Ryan,” na back rider ng motorsiklo, sinubukan ng kanyang kambal na kapatid na si alyas “Raymon” na mag-overtake sa sinusundang tricycle.
Ngunit sa kasamaang palad, hindi naging ligtas ang maniobra kaya sumagi ang motorsiklo sa kaliwang bahagi ng tricycle.
Dahil sa impact, nawalan ng kontrol ang motorsiklo at sumalpok sa kasalubong na Yamaha NMAX sa kabilang linya.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumalsik ang mga sakay ng motorsiklo at ng NMAX sa kalsada.
Agad na isinugod sa Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital ang magkapatid (ang driver at back rider ng Honda Beat).
Gayunpaman, idineklarang dead on arrival si Raymon ni Dr. Elisse Biñas, habang patuloy na ginagamot si Ryan dahil sa mga natamong sugat.
Sugatan din ang driver ng NMAX na kinilalang si alyas “Ayman” na nagtamo ng minor concussion, habang hindi naman nasaktan ang driver ng tricycle na si alyas “Aldin.”
