Isang malaking hakbang tungo sa pagpapasigla ng sektor ng tela sa bansa ang paglulunsad ng Natural Textile Fiber Innovation Hub (NTFIH) Laguna Facility na matatagpuan sa loob ng Laguna University.
Layunin ng bagong pasilidad na tugunan ang lumalaking pangangailangan sa mga natural na hibla (natural textile fibers).
Sa tulong ng makabagong teknolohiya, ang mga hilaw na materyales mula sa sektor ng agrikultura ay direktang gagawing “spinnable textile fibers” na siyang pangunahing sangkap sa paggawa ng tela.
Ayon kay Dr. Charlemagne G. Laviña, Presidente ng Laguna University, tungkulin ng mga unibersidad ngayon na hindi lamang magturo, kundi mamuno sa mga inisyatibong magdadala ng pagbabago sa industriya at lipunan.
Sinang-ayunan ito ni Dr. Julius L. Leaño, Jr., Direktor ng DOST-Philippine Textile Research Institute (PTRI), na nagsabing ang pasilidad ay magbibigay-kapangyarihan sa mga lokal na komunidad at magpapatatag sa “value chain” ng tela sa Pilipinas.
Sa kanyang keynote message, binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. ang krusyal na papel ng agham, teknolohiya, at inobasyon upang makamit ang pambansang progreso at inklusibong pag-unlad.
Dumalo rin sa kaganapan si Hon. Benjamin C. Agarao, Jr. na kumilala sa halaga ng multi-sectoral partnerships, habang tiniyak naman ni Ms. Carina F. Macalos ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga proyektong nagsusulong ng sustainability.
Ayon naman kay Ms. Agnes G. Morales, Provincial Director ng DOST-Laguna, ang lokalisasyon ng inobasyon ang susi upang ang mga ideya ay maging konkretong benepisyo para sa mga mamamayan.
Ang NTFIH Laguna Facility ay bunga ng pagtutulungan ng akademya, mga ahensya ng gobyerno, at mga lokal na stakeholder. Inaasahang magsisilbi itong sentro ng pananaliksik, development, at capacity-building upang gawing mas kompetitibo ang industriya ng telang Pilipino sa pandaigdigang merkado.
