Agad na naaresto ng mga awtoridad ang tatlong lalaki matapos looban at pagnakawan ang East Asia Laboratory Inc. sa Barangay Gulod Malaya, San Mateo, Rizal nitong madaling araw ng Martes, ika-20 ng Enero, 2026.
Base sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station (MPS), dakong alas-3:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa nasabing establisyimento sa kahabaan ng Jose F. Diaz Avenue.
Nadiskubre lamang ang pagnanakaw dakong alas-8:00 ng umaga nang mapansin ni Ms. Michelle Meza, HR Supervisor ng kumpanya, na magulo ang mga cabinet sa kanilang opisina.
Sa isinagawang imbentaryo, natuklasan na nawawala ang labimpitong 17 yunit ng laptop na may kabuuang halaga na humigit-kumulang P555,000.00.
Dahil sa tulong ng CCTV footage, positibong kinilala ng mga testigo ang mga suspek na sina alyas “James,” 21-anyos; alyas “Russel,” 32-anyos; at isang 16-anyos na itinago sa pangalang alyas “Joshua,” na pawang mga residente ng Valley View Subdivision sa nasabing barangay.
Agad na ikinasa ng mga Intel Operative at Warrant Personnel ng San Mateo MPS ang isang pursuit operation sa ilalim ng direktang superbisyon ng Chief of Police.
Nagbunga ang operasyon sa pagkakadakip sa tatlo at ang pagbawi sa labindalawang 12 yunit ng ninakaw na laptop mula sa kanilang posisyon. Samantala, kasalukuyan pang hinahanap ang iba pang nawawalang laptops.
Ang mga suspek ay dinala sa Casimiro Ynares Hospital para sa medical examination bago tuluyang ipinasok sa custodial facility ng San Mateo MPS.
Inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa pamamagitan ng inquest proceeding.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya ang mga naarestong indibidwal habang patuloy ang imbestigasyon upang mahanap ang nalalabing mga nakaw na gamit. (Arnold Pajaron Jr)
