Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nasawi matapos barilin sa loob ng isang subdibisyon sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal nitong madaling araw ng Martes, ika-20 ng Enero, 2026.
Base sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang alas-4:37 ng madaling araw sa Orange Street, Phase 1-A, Kasiglahan Village.
Isang concerned citizen ang agad na nag-ulat sa himpilan ng pulisya na nagbunsod sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad sa pamumuno ni PLT Orlando Suyom.
Ayon sa paunang imbestigasyon, isang residente sa lugar ang nakarinig ng magkakasunod na putok ng baril. Nang silipin, nakita na lamang ang biktima na bumagsak sa kalsada na may tama ng bala sa katawan.
Agad na isinugod ang biktima sa Ynares Hospital sa Barangay Burgos, subalit idineklara itong dead on arrival ni Dr. Elmer Alisangco, ang attending physician.
Inilarawan ang biktima na nakasuot ng pulang long-sleeve shirt, camouflage trucker pants, at itim na sumbrero. Ayon sa isang residente, ang biktima ay kilala umano sa alyas na “Arjay,” bagaman sumasailalim pa ito sa kaukulang kumpirmasyon dahil wala pang pamilya o kamag-anak na lumulutang upang kilalanin ang labi.
Sa isinagawang pagsisiyasat sa crime scene, narekober ng mga imbestigador ang isang fired cartridge case mula sa kalibre .9mm na baril na isasailalim sa ballistics examination.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng “dragnet operation” ang mga tauhan ng TMRU at Sierra para sa posibleng pagtugis sa hindi pa matukoy na suspek.
Sinusuri na rin ng mga Duty Investigator-on-Case (IOC) ang mga available na CCTV sa paligid at nagsasagawa ng panayam sa mga residente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa krimen. (Arnold Pajaron Jr)
