Binulabog ng bomb threat ang Mambugan National High School sa Barangay Mambugan, District 1, Antipolo City, kahapon ng umaga, ika-20 ng Enero, 2026.
Base sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), nakatanggap ng impormasyon ang Police Community Precinct bandang 8:15 ng umaga hinggil sa isang nakababahalang mensahe na ipinadala sa pamamagitan ng Facebook. Agad na rumesponde ang mga awtoridad sakay ng Mobile Patrol 364 upang beripikahin ang ulat.
Ayon sa imbestigasyon, isang guro sa nasabing paaralan na kinilalang si “Jela” ang nakatanggap ng mensahe mula sa isang Facebook account sa pangalang “Jake Hilton” bandang 2:58 ng madaling araw. Sa naturang mensahe na nakasulat na nagbanta ang suspek na nagtanim siya ng pampasabog sa loob ng paaralan bilang ganti sa principal ng eskwelahan.
Bahagi ng banta ng suspek: “Sigurado akong hindi niyo malalaman kung saan ako nagtanim, pero isa lang ang sinisiguro ko, hindi ako titigil hanggang hindi ako nakakaganti.”
Nakasaad din sa mensahe na handa ang suspek na madamay ang sarili niyang anak na nag-aaral din sa nasabing paaralan maisakatuparan lamang ang kanyang paghihiganti.
Agad na nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Antipolo CCPS sa buong paligid ng paaralan.
Inabisuhan din ang mga security guard at mga guro na manatiling alerto sa anumang kahina-hinalang pakete o indibidwal sa paligid.
Dahil sa seryosong kalikasan ng banta, pormal nang humingi ng saklolo ang Antipolo police sa Rizal Explosives Ordnance Disposal (EOD) Unit para sa isang mas malalim na technical investigation at area assessment.
Layunin nito na masiguro ang kaligtasan ng publiko at makumpirma kung mayroon ngang nakatagong pampasabog sa loob ng campus.
Sa kasalukuyan, patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad sa pamunuan ng paaralan habang iniimbestigahan ang pinagmulan ng Facebook account na ginamit sa pananakot. (Arnold Pajaron Jr)
