Mariing binatikos ni Senador Risa Hontiveros ang Embahada ng Tsina sa Maynila, na tinawag niyang isang “bad guest” o masamang panauhin dahil sa umano’y kawalan ng respeto nito sa Pilipinas bilang host country.
Sa ginanap na Kapihan sa Senado noong Miyerkules, binigyang-diin ng senadora na dapat nang kumilos nang mapagpasya ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa mga pampublikong pag-atake ng embahada sa mga opisyal ng gobyerno na nagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Hontiveros, hinihintay pa rin niya ang tugon ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa kanyang pormal na sulat na humihiling ng kaukulang aksyon laban sa mga aktibidad ng embahada.
Iginiit ng senadora na ang ginagawang pambabatikos ng China kina Commodore Jay Tarriela at iba pang opisyal ng Pilipinas ay paglabag sa Vienna Convention on Diplomatic Relations.
Aniya, ginagawa lamang ng mga Pilipinong opisyal ang kanilang tungkulin na protektahan ang ating pambansang interes, ang Navy, Coast Guard, mga mangingisda, at ang likas na yaman ng dagat.
Pinaratangan din ni Hontiveros ang Chinese Embassy na nagpapaawa o “acting like a victim” sa kabila ng kanilang mga agresibong aksyon.
Ipinaalala ng senadora na ang Tsina ang gumagamit ng laser laban sa ating mga unipormadong tauhan, nagtataboy sa mga mangingisdang Pilipino sa sariling karagatan, at sumisira sa marine natural resources ng bansa. “Dapat silang tumigil sa pagiging masyadong sensitibo,” dagdag pa ni Hontiveros.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng naunang diplomatic protest na isinampa ng Chinese Embassy laban kay Commodore Tarriela, ang spokesperson ng Philippine Coast Guard para sa West Philippine Sea.
Nagalit ang panig ng Tsina matapos mag-post si Tarriela ng larawan sa harap ng isang collage na tila AI-generated image ni President Xi Jinping na nagpapakitang galit at may hawak na bangkang may bandila ng Pilipinas, sa isang dayalogo kasama ang mga estudyante.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang DFA hinggil sa panawagan ng senadora.
