Nahaharap ngayon sa mga reklamong plunder at graft si Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa Office of the Ombudsman matapos itong sampahan ng kaso ni dating Senador Antonio Trillanes IV kasama ang civil society group na “The Silent Majority.”
Ang reklamo ay nag-ugat sa mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng bayan at iba pang iregularidad sa ilalim ng kanyang pamumuno sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Sa isang pahayag sa social media, hinimok ni Trillanes ang Ombudsman na mabilis na aksyunan ang naturang reklamo upang mapanagot ang Pangalawang Pangulo sa mga inaakalang paglabag nito sa batas.
Ayon kay Trillanes, mahalagang magkaroon ng kaukulang pananagutan si Duterte para sa mga umano’y kasalanan nito sa bayan.
Kabilang sa mga detalyeng nakasaad sa reklamo ay ang kwestyonableng paggamit ng P650 milyong pondo mula sa Office of the Vice President at Department of Education, pati na rin ang P2.7 bilyong pondo noong nagsilbi pa si Duterte bilang alkalde ng Davao City.
Binigyang-diin din sa dokumento ang mga alegasyon ng iregularidad sa P8 bilyong procurement ng mga laptop sa DepEd, kasama ang bilyon-bilyon pang halaga ng audit disallowances at unliquidated cash advances sa ilalim ng kanyang superbisyon.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang opisyal na tugon mula sa kampo ni Pangalawang Pangulo Duterte hinggil sa mga seryosong paratang na ito.
Ang pagsasampa ng kaso ay bahagi ng mas malawak na panawagan ng mga grupo para sa transparency at accountability sa paghawak ng kaban ng bayan. (ART TORRES)
