Isang malawakang imbestigasyon ang nakatakdang isagawa ng House Committee on Ways and Means kaugnay ng talamak na smuggling ng sigarilyo sa bansa na nagreresulta sa bilyon-bilyong pisong pagkalugi sa kaban ng bayan.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, inihayag ni Marikina City Representative at Committee Chairman Miro Quimbo ang kaniyang pagkabahala sa lumalalang insidente ng “illicit cigarettes” o mga sigarilyong nakakapasok sa bansa nang hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Ayon kay Quimbo, tinatayang aabot sa P44.8 bilyon ang nawalang pondo sa gobyerno nitong nakaraang taon lamang dahil sa illegal na kalakalan ng tabako. Ang perang ito ay dapat sanang nagamit para pondohan ang pambansang badyet na nagkakahalaga ng P6.723 trilyon ngayong taon.
“Importante na ang collection ay tumataas, dahil kapag hindi, nagkakaroon tayo ng deficit. Kapag lumalaki ang utang ng bansa, tumataas ang interest rates na pumapalo rin sa mga ordinaryong mamamayan,” paliwanag ng mambabatas.
Binigyang-diin ni Quimbo na hindi lamang pera ang nawawala, kundi pati na rin ang serbisyong medikal para sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng batas, kalahati ng nakokolektang sin taxes ay direktang napupunta sa PhilHealth.
Dahil mura ang mga smuggled na sigarilyo (dahil walang bayad na P60-P64 tax bawat kaha), mas nagiging abot-kaya rin ito para sa mga kabataan, na nagpapataas sa risk ng pagkakasakit sa bansa.
Tinawag ni Quimbo na may “impunity” o kawalan ng takot ang mga smuggler na nagpapasok ng mga produkto mula sa Taiwan, China, at Malaysia.
Partikular na tinukoy ang talamak na bentahan sa mga lugar ng Basulta (Basilan, Sulu, Tawi-Tawi), Zamboanga at Davao.
Bilang solusyon, isinusulong ng mambabatas ang mga sumusunod na hakbang sa Kamara bago matapos ang unang regular session sa Hunyo:
Upang matugunan ang krisis na ito, isinusulong ng Kamara ang pagsusuri sa enforcement ng Bureau of Customs at BIR, kasabay ng pagpapatibay sa “Track and Trace Bill” at ang panukalang Comprehensive Tax Amnesty. Layunin ng mga hakbang na ito na palakihin ang bilang ng mga lehitimong taxpayers at ayusin ang sistema ng koleksyon nang hindi na kailangang magpataw ng mga bagong buwis.
naasahan ni Quimbo na uusad ang mga repormang ito bago matapos ang unang regular session sa Hunyo, habang hinihintay ang pinal na posisyon ng Department of Finance upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga nasabing batas.
“Ang layunin natin ay hindi taasan ang buwis, kundi siguraduhin na lahat ay nagbabayad ng tama at tapalan ang mga ‘leaks’ o smuggling sa ating sistema,” pagtatapos ni Quimbo.
