Binatikos ni Senator Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) dahil sa dalawang taong pagkaantala ng bagong guidelines para sa Senior High School Voucher Program (SHS VP), sa gitna ng mga isyu ng “ghost students” at maling pagpili ng benepisyaryo.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate basic education committee nitong Martes, Enero 20, hindi naitago ni Gatchalian ang kanyang pagkadismaya sa tila kawalan ng aksyon ng kagawaran.
“In my opinion, hindi seryoso ang DepEd para ayusin itong problema natin sa voucher program,” ani Gatchalian. “Ganoon ba kabagal ang DepEd para ayusin ang problemang matagal nang pinag-uusapan? These problems are not new.”
Ang SHS VP ay idinisenyo upang magbigay ng subsidiya na nagkakahalaga ng P8,750 hanggang P22,500 para sa mga mag-aaral sa Grade 11 at 12 na nais pumasok sa mga pribadong paaralan.
Layunin nito na maibsan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan, ngunit nabahiran ang programa ng mga kontrobersya gaya ng “ghost students” scheme kung saan may mga paaralang naniningil ng subsidy para sa mga estudyanteng hindi naman nag-e-enroll.
Bukod sa isyu ng panloloko, kinuwestiyon din ni Gatchalian ang pagpili sa mga benepisyaryo matapos ipakita sa datos mula sa Annual Poverty Indicators Survey na 67% ng mga nakatanggap ng voucher noong school year 2024-2025 ay hindi maituturing na mahirap.
Binanggit din ng senador ang ulat mula sa Commission on Audit na may mga estudyanteng nakikinabang sa voucher kahit naka-enroll sa mga mamahaling paaralan na may tuition fee na hindi bababa sa P100,000.
Bagaman may 55 paaralan na ang tinanggal ng DepEd sa programa mula noong Pebrero 2023 dahil sa mga kahina-hinalang claims, iginiit ni Gatchalian na kailangan ng isang mas maayos na disenyo ng programa upang matiyak ang kalidad ng serbisyo at wastong paggamit ng pondo.
Sa kasalukuyan, target ng DepEd na mailabas ang mga bagong panuntunan sa loob ng unang quarter ng taon upang matugunan ang mga nabanggit na butas sa sistema. (MINA PADERNA)
