PATAY ang isang construction worker matapos barilin ng isang lalaki habang sugatan naman ang isang lola nang mahagip din ng ligaw na bala sa Valenzuela City, Lunes ng hapon.
Namatay habang ginagamot sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa leeg ang biktimang si Pepito Lopez, 50, residente ng Barrio Bitik, Brgy., Gen T De Leon habang ginagamot naman sa nasabing pagamutan ang lolang alyas Gerlie”, 63, ng Brgy. Marulas sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang binti.
Naaresto naman sa follow up operation ng mga tauhan ng Valenzuela CPS ang suspek na si alyas “Doddie”, 47, ng Anak Dalita Compound, Brgy., Marulas na positibong kinilala ng saksing 33-anyos na factory worker.
Sa ulat na nakarating kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Serrano St., Barangay Marulas.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na habang nakatayo ang biktima sa tabi ng kanyang bisikleta sa nasabing lugar kausap ang dalawang lalaki nang dumaan ang suspek at nakita siya nito.
Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek na armado ng baril at binaril ang biktima na tumagos ang bala sa leeg saka tumama sa matigas na bagay at nahagip naman ang lolang si Gerlie.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungong Anak Dalita Compound kung saan siya nasakote ng pulisya habang isinugod naman ang mga biktima sa nasabing pagamutan.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa insidente. (JUVY LUCERO)
