ARESTADO ang isang lalaki na wanted sa kaso ng sexual assault at acts of lasciviousness sa Valenzuela City matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Nueva Vizcaya, Sabado ng umaga.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col Joseph Talento, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa Nueva Vizcaya ang 45-anyos na akusado.
Aniya, ang akusado ay nakatala bilang No. 10 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at Valenzuela CPS kaya mahigpit na ipinag-utos niya sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis dito.
Dakong alas-8:30 ng umaga nang tuluyang makorner ng pinagsamang mga operatiba ng Station Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS ang akusado sa Aburdo Street, Barangay Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.
Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang warrant of arrest na inisyu noong November 27, 2025 ng Regional Trial Court (RTC) Branch 270, Valenzuela City, para sa paglabag sa Sexual Assault in relation to R.A. 7610 at Acts of Lasciviousness na may inirekonendang piyansa na P180,000.
Kasunod nito, dinala ang akusado sa Aritao Municipal Health Unit para sa medical examination bago isinailalim sa kustodiya ng mga tauhan ng Valenzuela CPS para proper disposition. (JUVY LUCERO)
