BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga matapos makuhanan ng mahigit P200K halaga ng shabu nang maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang suspek bilang si alyas “Joel”, 55, (SLI/PUSHER) at residente ng Brgy., Bignay.
Batay sa ulat, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng kanilang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas Joel.
Matapos matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba at sinunggaban ang suspek dakong ala-1:20 ng madaling araw sa Galas Street Beside Valenzuela View, Barangay Bignay.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 35 grams ng suspected shabu na may standard drug price na P238,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money, P200 cash at itim na coin purse.
Ayon sa pulisya, inihahanda na nila ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)
