Nababahala ang Manila Electric Company (Meralco) kaugnay ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na amiyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at alisin ang system loss charges sa singil sa kuryente ng mga consumer.
Sa isang pahayag, direktang itinanong ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan (MVP) kung sino ang sasagot sa malaking halagang nawawala sa oras na tuluyang ipagbawal ang pagpasa nito sa mga end-user.
“It’s a big bill for the industry because it cuts across generation, transmission, and distribution. The bill is too big for the industry to absorb all of it… So, who’s going to pay for that? The industry? It’s going to cost tens of billions of pesos,” giit ni Pangilinan.
BASAHIN: SONA 2026: PBBM pinatatanggal ang system loss sa bill ng kuryente
Binigyang-diin ni MVP na ang panukala ay hindi simpleng usapin lamang at magkakaroon ng malawak na epekto sa buong industriya ng kuryente sa bansa.
Ang system loss ay ang pagkakaiba sa dami ng kuryenteng ginagawa ng mga power plant kumpara sa kuryenteng aktwal na nakokonsumo at nababayaran ng mga customer. Nagmumula ito sa dalawang pangunahing dahilan: ang technical loss, na tumutukoy sa likas na pagkawala ng enerhiya sa mga kable habang naglalakbay ang kuryente nang malayo pati na ang epekto ng init at usapin sa boltahe; at ang non-technical loss, na dulot naman ng mga ilegal na pag-tap o pagnanakaw ng kuryente (pilferage).
Sa kasalukuyan, pinahihintulutan ng batas (EPIRA at R.A. 7832) ang mga distribution utility na mabawi ang porsyento ng system loss sa pamamagitan ng pagpasa nito sa buwanang bill ng mga consumer. Sa Meralco, pumapatak sa humigit-kumulang 5% ng buwanang bill ng customer ang naturang singilin.
Ayon naman kay Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie Aperocho, bagama’t iginagalang nila ang adbokasiya ng Pangulo, mahalagang maunawaan na ang system loss ay hindi maiiwasang bahagi ng pagpapatakbo ng industriya ng kuryente sa buong mundo.
Tiniyak ni Aperocho na aktibong makikilahok ang Meralco sa mga talakayan sa Kongreso ukol sa pag-amiyenda sa EPIRA upang matiyak na magiging balanse ang reporma.
Aniya, kailangang isaalang-alang ang kakayahan ng mga distribution utility at electric cooperative na magpatuloy sa serbisyo, mag-invest sa modernong imprastraktura, at mapanatiling ligtas at matatag ang supply ng kuryente sa bansa.
Inihayag naman ng Department of Energy (DOE) na maaaring magpautang ang National Electrification Administration (NEA) sa mga electric cooperative upang matulungan ang mga itong i-upgrade ang kanilang mga pasilidad at mabawasan ang kanilang system loss.
