Bagsak sa kulungan ang tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos mahuli sa ikinasang joint buy-bust operation ng Rodriguez Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay San Jose nitong gabi ng Agosto 6, 2026.
Naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek habang nagbebenta ng high-grade marijuana o “KUSH” sa isang poseur-buyer.
Ayon sa pulisya., nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 177 gramo ng kush, mahigit 4 na kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana, at 40 gramo ng shabu na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na pumalo sa mahigit P1 milyon.
Bukod sa mga iligal na droga, nasamsam din ng pulisya ang isang 9mm na baril, magasin, bala, at digital weighing scale.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591) ang tatlong naarestong suspek.
