Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Biyernes, Agosto 7, 2026, na nakalabas na ng bansa si Senator Loren Legarda at ang kaniyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste noong Agosto 2.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, bumiyahe sa magkahiwalay na flight ang dalawa at walang anumang derogatory record o Hold Departure Order nang sila ay umalis, ilang araw lamang matapos ihayag ng Office of the Ombudsman ang mga nakahain na reklamong plunder at graft laban sa kanila.
Ang mga reklamo ay ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla noong Hulyo 31 kaugnay ng diumano’y iregularidad at sabwatan sa mga solar energy service contracts ni Leviste, kasama si dating Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ayon sa Ombudsman, nagdulot ang mga nakanselang kontrata ng mahigit P10.44 bilyong hindi nababayarang obligasyong pinansyal sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga korporasyong umiiral lamang sa papel.
Samantala, kinumpirma naman ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. at Senator Erwin Tulfo na naghain si Legarda ng medical leave mula Agosto 3 hanggang 5 dahilan upang lumiban ito sa mga pagdinig ng Senate impeachment trial.
Bagamat wala pang naitatag na Hold Departure Order, maaari pa ring humingi ang Ombudsman ng Precautionary Hold-Departure Order (PHDO) sa korte habang nasa preliminary investigation pa ang kaso.
