Nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III na sa kasalukuyan ay wala pa sa kanyang prayoridad ang pagtakbo sa anumang elective position sa susunod na halalan.
Sa ginanap na The Agenda forum kahapon, ibinahagi ni Torre na hindi pa niya sineseryosong pag-isipan ang pagpasok sa politika.
Aniya, hindi siya makapagbibigay ng tiyak o “categorical” na sagot sa ngayon dahil malaking hamon ang paglipat mula sa isang appointed position patungo sa pagiging isang elected official.
BASAHIN: TORRE, HANDANG ARESTUHIN SI BATO KUNG IUTOS NI MARCOS
“Napakalaking jump niyan from an appointed position, which all my life I’ve been doing, to something that is elected na parang hindi ko alam kung papano ang sistema niyan,” pahayag ni Torre.
Dagdag pa nito, kailangan din niyang timbangin kung handa ba siyang isapalaran ang mas marami pang bagay kumpara sa mga naisakripisyo na niya sa mahabang panahon ng kanyang paglilingkod sa publiko bilang appointed official.
Bagama’t hindi niya tuluyang isinara ang pinto sa posibilidad sa hinaharap, binigyang-diin ni Torre na ang kanyang buong atensyon ay nasa kanyang tungkulin ngayon sa MMDA.
“Sasagutin ko siguro ‘yan pagdating ng panahon… but sa ngayon, I’m really very, very focused and concentrated on my job here in MMDA,” pagtatapos niya.
Isinagawa ng naturang opisyal ang paglilinaw matapos lumabas ang kaniyang larawan sa mga poster ng isang party-list group na nakakabit sa ilang lalawigan.
Sa ngayon, patuloy na pinangungunahan ni Torre ang mga proyekto at programa ng MMDA para sa pagsasaayos ng trapiko at iba pang serbisyo sa Metro Manila.
