Lumipas na ang Pasko, ngunit tila nanatiling dekorasyon lamang ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipakukulong ang mga “big fish” na sangkot sa multibillion-peso flood control scandal.
Sa kabila ng matapang na pahayag na may maghihimas-rehas bago mag-Disyembre 25, ang publiko ay naiwang naghihintay sa wala. Araykupo!
Isang klasikong halimbawa ito ng “pangakong napako” na lalong nagpapalabnaw sa tiwala ng taumbayan sa hustisya ng bansa.
Kaya sang-ayon tayo sa naging sentimyento ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na ang hindi pagtupad sa deadline ay nagbubunga ng pagdududa.
Mahirap asahan ang publiko na maniwala sa susunod na mga deklarasyon kung ang unang takdang-panahon pa lamang ay hindi na napanindigan.
Ang tanong natin mga ka-Berdugo, totohanan ba ito o bahagi lamang ng isang detalyadong script?
Bagama’t may mga naaresto na tulad ng kontratistang si Sarah Discaya at may warrant na laban kay dating Rep. Zaldy Co, hindi pa rin ito sapat para ituring na “malaking huli.”
Ang tunay na mga “big fish” e yung mga maimpluwensiyang mambubutas este mambabatas pala at matataas na opisyal ng DPWH na itinuturo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)—ay tila malayang nakalaloy pa rin sa malalim na tubig ng burukrasya.
Hindi sapat ang depensa ng Palasyo na “mas mabilis” sila kaysa sa nakaraang administrasyon. Ang pagbawi ng pera at pag-freeze ng assets ay magandang hakbang, ngunit hindi ito kapalit ng pananagutan sa harap ng batas.
Habang ang taumbayan ay literal na nilulunod ng baha tuwing may sakuna, nilulunod naman sila ng administrasyon sa mga mabulaklak na salita. Pwe!
Kung seryoso ang Pangulo sa kanyang krusada laban sa korapsyon, hindi dapat maging mapili ang hustisya. Ang paghuli sa mga “expendable” o maliliit na tauhan habang pinoprotektahan ang mga kaalyado o makapangyarihang mambabatas ay hindi hustisya—ito ay “selective justice.” Tumpak!
Ang “empty rhetoric” o hungkag na pananalita ay mas masahol pa sa kawalan ng aksyon dahil nagbibigay ito ng maling pag-asa.
Sa huli, ang sukatan ng tagumpay ng kampanyang ito ay hindi ang dami ng warrants na inisyu, kundi ang bilang ng mga makapangyarihang magnanakaw na aktuwal na magpapasko sa loob ng kulungan.
Hangga’t walang “big fish” na nasisilo, ang kampanyang ito ay mananatiling isang malaking biro sa mata ng naghihirap na sambayanan. Abangan…
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
