Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa 91 ang bilang ng mga sugatan dahil sa paputok sa buong bansa, kung saan higit sa kalahati ng mga biktima ay mga bata.
Bagama’t mas mababa ang bilang na ito kumpara sa nakaraang taon, muling binigyang-diin ng kagawaran ang panganib na dulot ng tradisyonal na pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa pinakahuling ulat, dalawang minor de edad ang kinailangang putulan ng daliri matapos masabugan ng malalakas na paputok. Ayon kay DOH Health Promotion Bureau Director Tina Marasigan, isang walong taong gulang na bata ang nawalan ng hintuturo at hinlalaki dahil sa Whistle Bomb. Sa hiwalay na insidente, isang 16-anyos naman ang naputulan din ng dalawang daliri dahil sa Five Star.
“Dalawang bata po ang nagtamo ng paso at naputulan pa ng daliri… hintuturo at hinlalaki ang nalagas mula sa isang walong taong gulang na bata… habang dalawang daliri rin ang naputol sa labing-anim na taong gulang,” pahayag ni Marasigan.
Sa kabuuang 91 kaso na naitala hanggang nitong Disyembre 27, 35 rito ay kinasasangkutan ng mga bata. Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng sari-saring paso at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bagama’t ang kasalukuyang tally ay 49 porsyentong mas mababa kumpara sa 112 na kaso sa kaparehong petsa noong 2024, nagbabala ang DOH na huwag maging kampante. Binigyang-diin ng ahensya na mapanganib ang paputok, maging ito ay legal o ilegal na ibinebenta sa merkado.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pinsala ay ang five star (pinaka-nakapinsala), kwitis, boga at trayanggulo.
Bukod sa pisikal na sugat, nagbabala rin ang DOH sa masamang epekto ng usok mula sa paputok, lalo na sa mga may hika, mga bata, at mga senior citizen. Dahil sa patuloy na mga insidente ng disgrasya, muling nabubuksan ang diskusyon kung dapat na bang ipagbawal nang tuluyan ang paggamit ng paputok sa bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sa nalalapit na pagpapalit ng taon, muling nagpapaalala ang kagawaran na ang saya ng pagdiriwang ay hindi dapat mauwi sa pagbubuwis ng buhay o pagkawala ng bahagi ng katawan.
