Naglabas na ng warrant of arrest ang isang lokal na korte laban sa kontrobersiyal na contractor na si Sarah Discaya at siyam na iba pa kaugnay ng umano’y P96-milyong ghost project sa Davao Occidental, ayon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, Disyembre 18.
Sa isang video message, sinabi ng Pangulo na simula pa lamang ito ng mas malawak na imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects ng pamahalaan.
“Naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban sa sampung pangunahing sangkot dito sa anomalyang ito. Simula lang po ito at patuloy naming iimbestigahan at kakasuhan ang lahat ng may kinalaman sa mga eskandalong nakikita natin sa mga flood control projects,” ani Marcos.
Kaharap nina Discaya at Ma. Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction Corporation ang mga kasong graft at malversation kaugnay ng isang proyekto sa Barangay Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental na umano’y hindi man lang sinimulan. Kabilang din sa mga kinasuhan ang ilang opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Davao Occidental District Engineering Office.
Ang kasong malversation ay non-bailable, kaya inaasahang ilalagay sa kustodiya ang mga akusado kapag naaresto.
Inihain ng Office of the Ombudsman ang mga kaso sa Digos City Regional Trial Court (RTC) noong Disyembre 5. Si Discaya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos sumuko noong Disyembre 9. Ayon sa mga awtoridad, ang korte ang magpapasya kung saan siya ikukulong, at posibleng ilipat siya sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ipinaliwanag na sa ilalim ng Republic Act No. 10660, may hurisdiksiyon ang RTC sa mga kasong graft kung hindi malinaw ang halaga ng pinsala sa gobyerno o kung ito ay hindi hihigit sa ₱1 milyon. Saklaw din ng RTC ang mga kasong graft laban sa mga opisyal ng gobyerno na may salary grade na mas mababa sa Salary Grade 27, alinsunod sa Batas Pambansa Blg. 129 o Judiciary Reorganization Act.
Dahil dito, sa RTC inihain ang kaso at hindi sa Sandiganbayan.
Batay naman sa kautusan ng Korte Suprema, inilipat ang pagdinig ng mga kaso mula Digos City RTC patungo sa Lapu-Lapu City RTC, alinsunod sa mga patakaran sa pagtalaga ng mga korte na hahawak ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian. (Boyet Barba Jr)
