NAGSAGAWA ng inspeksiyon at random drug testing ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang Department of Transportation (DoTr), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa ilang bus terminal sa Cubao bilang paghahanda sa dagsa ng mga biyahero ngayong holiday season.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, ang multi-agency operation ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking inuuna ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero sa lahat ng oras.
Layunin ng inspeksiyon na masiguro ang ligtas, maayos, at maginhawang paggalaw ng mga commuter at maiwasan ang anumang insidente sa mga terminal ng bus lalo na ngayong papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Kasama sa inspeksiyon sina DoTr Undersecretary for Road Transport and Non-Infrastructure Ramon Reyes, DoTr Assistant Secretary for Road Infrastructure Mark Steven Pastor, LTO Assistant Secretary Markus Lacalinao, PDEA Operations Division Chief Joel Villarente, Quezon City Traffic and Transport Management Department head Dexter Cardenas, at mga kinatawan ng Philippine National Police–Highway Patrol Group.
Sinabi ni Reyes na mahalaga ang random drug testing upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong sasakay ng mga provincial bus ngayong panahon ng bakasyon.
Binigyang-diin naman ni Artes na nais ng mga awtoridad na masiguro na walang bakas ng ilegal na droga ang mga driver at nasa maayos na kondisyon ang mga ito bago payagang bumiyahe sa malalayong ruta.
Bagama’t tuloy-tuloy na ang pagdating ng mga pasahero sa mga terminal, inaasahan umano ang mas matinding dagsa ng biyahero sa mga susunod na araw, lalo na sa weekend.
Dagdag pa ni Artes, ipinatupad na ang full deployment ng mga tauhan upang pamahalaan ang trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. Batay sa pinakahuling datos ng MMDA, tinatayang nasa 437,000 sasakyan ang dumaraan sa EDSA araw-araw.
Samantala, ayon kay Lacalinao, nag-deploy din ng K-9 teams ang mga awtoridad upang tumulong sa drug detection at iba pang safety checks sa mga bus terminal. (Art Torres)
