Mas naging maliwanag ang Pasko ng 168 low-income households sa Pasig City matapos silang mabigyan ng ligtas at legal na suplay ng kuryente sa ilalim ng Household Electrification Program ng One Meralco Foundation (OMF), ang corporate social responsibility arm ng Meralco na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan.
Pinangunahan nina Pasig City Mayor Ma. Regis “Vico” N. Sotto, Meralco Chief Revenue Officer at OMF Trustee Engr. Ferdinand O. Geluz, at Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer at OMF President Jeffrey O. Tarayao ang seremonya ng pagbibigay-kuryente sa mga benepisyaryo.
Dumalo rin sa aktibidad sina Pasig City Rep. Roman T. Romulo, Vice Mayor Robert Vincent Jude “Dodot” B. Jaworski Jr., ilang konsehal ng lungsod, at mga opisyal ng Meralco at OMF.
Ayon kay Mayor Sotto, pangunahing layunin ng proyekto ang kaligtasan ng mga residente. “Alam nating delikado ang paggamit ng jumpers at submeters, bukod pa sa magastos ito. Kaya kinilala namin ang pangangailangan na gawing ligtas at legal ang serbisyo ng kuryente dito sa Pasig sa tulong ng Meralco at One Meralco Foundation,” wika ng alkalde.
Binigyang-diin naman ni Geluz ang patuloy na commitment ng Meralco na maghatid ng maaasahan at ligtas na serbisyo ng kuryente. “Nakikipagtulungan kami sa mga lokal na pamahalaan para mapabuti ang buhay ng mga komunidad na aming pinaglilingkuran,” aniya.
Samantala, sinabi ni Tarayao na ang proyektong ito ay simbolo ng bayanihan ngayong Kapaskuhan. “Ang mga ilaw na nagpapaliwanag sa mga tahanang ito ay hindi lang palamuti ng Pasko, kundi patunay ng ating sama-samang malasakit sa isa’t isa,” pahayag niya.
Sa kabuuan, mahigit 80,000 kabahayan na sa buong bansa ang nabigyan ng kuryente sa ilalim ng Household Electrification Program ng OMF—isang malaking ambag sa layunin ng pamahalaan na makamit ang 100% nationwide electrification pagsapit ng 2028.
