Inaprubahan ng bicameral conference committee nitong Huwebes, Disyembre 18, ang P243 bilyong unprogrammed appropriations (UA) para sa panukalang pambansang badyet ng 2026.
Pinaboran ng bicam ang bersyon ng Kamara na higit tatlong beses na mas malaki kumpara sa P68.77 bilyong UA na una nang inaprubahan ng Senado. Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), una namang iminungkahi ng Department of Budget and Management (DBM) ang P249.9 bilyon para sa UA.
Muling umani ng batikos ang unprogrammed appropriations matapos iulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na bilyon-bilyong piso para sa flood control at iba pang infrastructure projects sa ilalim ng administrasyong Marcos ang pinondohan gamit ang UA.
Gayunman, iginiit ni Senate finance committee chairperson Sherwin Gatchalian na hindi gagamitin ang inaprubahang UA para sa flood control projects. Ayon sa kanya, tinanggal na sa bicam version ang line item na “Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs.”
Ani Gatchalian, ang mga natitirang item sa UA ay tinawag niyang “targeted accounts,” kabilang ang pondo para sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines at suporta sa mga foreign-assisted projects.
Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi isinama ang mga ito sa programmed appropriations. Aniya, masyadong malaki ang halaga ng mga proyekto at limitado ang fiscal space ng gobyerno. Dagdag pa niya, karamihan sa mga proyekto ay mangangailangan lamang ng pondo sa ikalawang quarter ng 2026, kung kailan inaasahang may sapat nang pondo para sa UA.
Sa Kamara, hindi bababa sa 12 mambabatas ang nagpahayag ng pagtutol sa pagpasa ng 2026 House General Appropriations Bill dahil sa patuloy na pagsama ng unprogrammed appropriations.
Ayon kay Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima, maraming “red flags” ang UA. “Kami ay nababahala at alarmado sa pagtaas ng pondo para sa unprogrammed appropriations sa bicam,” pahayag niya.
Kinuwestiyon din ni de Lima ang konstitusyonalidad ng UA, binanggit ang concurring at dissenting opinion ni Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando sa kaso ng ₱60-bilyong PhilHealth fund transfer sa National Treasury.
Para kay Hernando, labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations at dapat tuluyang alisin sa badyet. “Kung walang tiyak at malinaw na pinanggagalingang kita, hindi maaaring pahintulutan ng Kongreso ang ganitong uri ng appropriations,” ani de Lima, na nagsabing handa silang dalhin ang usapin sa Korte Suprema.
Ang UA ay nagsisilbing standby funds na nagmumula sa bagong o sobrang kita ng gobyerno at mula sa mga foreign loans. Ayon sa DBM, mahigit apat na dekada na itong ginagamit upang tustusan ang mga kalamidad at iba pang hindi inaasahang gastusin.
Gayunman, patuloy itong binabatikos ng mga mambabatas ng oposisyon na tinatawag ang UA bilang “standby pork.” Sa ilalim ng administrasyong Marcos, kapansin-pansing lumobo ang unprogrammed appropriations—umabot sa P807.16 bilyon noong 2023, bumaba sa P731.4 bilyon noong 2024, at P531.7 bilyon ngayong 2025.
