Posibleng maharap sa mga kasong kriminal si Leyte 4th District Representative Richard Gomez matapos siyang akusahan ng pisikal at berbal na pananakit sa presidente ng Philippine Fencing Association (PFA) na si Rene Gacuma sa kasagsagan ng Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand.
Sa isang liham na ipinadala kay Philippine delegation chef de mission Raul Canlas, isinalaysay ni Gacuma ang insidenteng naganap noong Disyembre 16 sa Fashion Island Shopping Mall sa Bangkok, kung saan siya umano’y hinarap at sinaktan ni Gomez kaugnay ng desisyon ng PFA na palitan ang fencer na si Alexa Larrazabal.
Ayon kay Gacuma, nang batiin niya si Gomez ay sinadyang tapakan umano ng kongresista ang kanyang paa, mariing pinisil ang kanyang hinlalaki, at pinagsigawan ng mura habang kinukuwestiyon ang awtoridad ng PFA sa pagpapalit ng atleta. Dagdag pa niya, nang siya ay tumalikod ay sinuntok umano siya ni Gomez sa batok.
Hindi pa umano doon nagtapos ang insidente. Sinabi ni Gacuma na muli siyang hinarap ni Gomez habang nasa medical station, kung saan siya umano’y sinampal sa panga at muling binantaan sa harap ng mga Thai medical volunteers.
Si Gomez, 59, ay direktor ng PFA at ikalawang bise presidente ng Philippine Olympic Committee. Nasa SEA Games din siya bilang sporting clays athlete at nakasungkit pa ng silver medal sa team event.
Ang pinagmulan ng alitan ay ang pagpalit kay Larrazabal, isang No. 1 ranked fencer mula Ormoc City, sa women’s individual epee event. Ayon sa PFA, pinalitan siya ni Hanniel Abella batay sa rekomendasyon ng national team coach dahil sa umano’y madalas na pagliban sa training, kabiguang magsumite ng mga kinakailangang dokumento, at kawalan ng komunikasyon sa coaching staff.
Sinabi ni Gacuma na nagkaisa ang board ng PFA sa desisyong ito noong Disyembre 14. Nang malaman umano ni Gomez ang desisyon kinabukasan, nagbanta raw itong ipapaputol ang budget ng PFA.
“Ikokonsulta ko ito sa legal counsel at magsasampa ng nararapat na kaso laban kay Mr. Gomez dahil sa pisikal na pananakit at matinding verbal abuse,” pahayag ni Gacuma, na nagsabing hindi umano nararapat ang sinapit niyang pagtrato mula sa isang halal na opisyal.
Kinumpirma naman ni Gomez sa panayam sa One Balita Pilipinas na nagkaroon ng komprontasyon, bagama’t hindi niya tahasang inamin ang pananakit. Ipinunto rin niya ang umano’y favoritism sa pagpili ng mga atleta at iginiit na hindi makatarungan ang pagtanggal sa isang No. 1 fencer.
Ayon pa kay Gomez, balak din niyang magsampa ng kaso laban kay Gacuma at sa ilang opisyal ng PFA dahil sa umano’y pambubully sa atletang si Larrazabal. “Karapatan niya mag-file ng kaso, pero ako rin, magfa-file ako. Atleta namin ‘yan,” aniya.
Sa kabila ng kontrobersiya, nagtulungan sina Larrazabal at Abella upang makuha ang bronze medal sa women’s team epee event, kasama sina Ivy Claire Dinoy at Juliana Gomez, anak ng mambabatas. (Richard Gomez)
