Ano nga ba ang bigat ng pangalang Mayors for Good Governance kung ang mismong mukha nito ay may iniwang tanong sa publiko?
Hindi maikakaila mga ka-Berdugo na magaling ang PR team ni Mayor Joy Belmonte. Sila mismo ang nag-angkin na “champion of good governance” ang alkalde. At sa tuwing may kontrobersiya, mabilis ang kanilang galaw para i-spin ang narrative.
Isang halimbawa ang pagputok ng flood control scam. Bago pa man lumaki ang isyu, agad nag-anunsyo ang QC government na rerepasuhin ang mga proyekto sa termino niya. At noong Oktubre, naglabas pa sila ng balitang ipinatigil ang apat na proyekto umano’y konektado sa mga Discaya. E ‘di wow!
Kabilang dito ang Six-storey Multi-Purpose Building; Reinforced Concrete Canal sa Ermitaño Creek; Housing 32-Balingasa High Rise Housing (Phase 1A); at Housing 32-Balingasa High Rise Housing (Phase 2)
Madali ngang mapaniwala ang iba na “Nailigtas ng QC ang kaban ng bayan!” Pero sapat na ba iyon? Sa isang anunsyo lang ba natatapos ang pananagutan? Ehem!
Kung totoo ang testimonya ng mga resource persons, matagal nang may “bayaran” sa bidding pa lamang ng malalaking proyekto.
Ibig sabihin mga ka-Berdugo, kaya pumasa ang ilang kumpanyang dawit sa scam ay dahil may suhol na naganap sa simula pa lang ng proseso ng big-ticket infrastructure projects para mapaburan ang mga kumpanyang ito.
Kung gan’un nga, ibig sabihin, hindi pondo ng bayan ang nais iligtas ni Mayor Joy sa paglaglag sa mga Discaya at maging sa mga congressman ng QC, kundi ang sariling imahe. Araykupo!
At kung ganito ang sistema, anong klase ngang “good governance” ang ibinabandera? Sige nga!
At heto pa!
Ayon sa mga bubwit ng Berdugo, bakit tila may tongressman este congressman na kaalyado ng butihing mayor ang tila nakalusot sa isyu?
Clue? Mahusay daw humawak ng bola si tongressman este congressman. ‘Yun na!
Naku ha!
Hindi ito usaping pampulitika lamang. Usaping tiwala ito, mga ka-Berdugo. Ang mga QCitizen ay nararapat sa buong katotohanan, hindi sa half-story na gawa ng PR machinery.
Kung tunay na good governance ang ipinagmamalaki, hindi dapat takot sa komprehensibong imbestigasyon kahit pa umabot sa mga nakapaligid sa kapangyarihan.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
