Hinimok ni Education Secretary Sonny Angara ang mga kasapi ng American Chamber of Commerce of the Philippines (AmCham) na palawakin ang pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd) upang mas mailapit ang classroom learning sa aktuwal na pangangailangan ng trabaho.
Sa General Membership Meeting ng AmCham, sinabi ni Angara na pinabibilis ng DepEd ang mga repormang nakaayon sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. para makabuo ng mas handa at competitive na workforce sa pamamagitan ng mas matibay na industry partnerships at mas angkop na education pathways.
“We want every graduate to have a fighting chance,” ayon kay Angara habang hinihikayat ang mga kumpanya na tumulong sa curriculum refinement, pagdaragdag ng work immersion opportunities, at paglikha ng mga programang tumutugma sa pangangailangan ng industriya.
Kabilang sa mga repormang tinututukan ng DepEd ang Strengthened Senior High School Program, dagdag na pondo para sa school operations, mas mahabang work immersion hours, pagtutok sa tech-voc integration, at modernisasyon ng textbooks at foundational learning. Mas magiging matagumpay aniya ang mga ito kung mas marami pang industry partners ang sasama.
Binanggit ni Angara ang kasalukuyang pagtutulungan ng DepEd sa TESDA, UNICEF, at ilang pribadong kumpanya bilang patunay na malaki ang naitutulong ng multi-sectoral engagement sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon at alignment sa labor market demand. Gayunman, kailangan pa aniya ng mas maraming kumpanya upang ma-scale ito sa buong bansa.
Ipinakita rin ni Angara ang aktibong papel ng DepEd sa Private Sector Advisory Council (PSAC) Jobs Committee sa pamamagitan ng Private Sector Jobs and Skills Corporation (PCORP) para sa work immersion, teacher training, curriculum alignment, at job matching.
Tinukoy ng DepEd ang mga larangang maaaring pag-ambagan ng AmCham firms tulad ng STEM at digital skills programs, teacher training support, pagbibigay ng industry-grade learning tools, pagsali sa Adopt-a-School Program, at pagpaparami ng work immersion slots.
Dinaluhan ng business leaders at multinational firms ang pulong na may temang “The Philippine Labor Market Outlook 2026.”
Sinabi ni Angara na patuloy na palalawakin ng DepEd ang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor upang masigurong mas maayos at mas mabilis ang paglipat ng kabataan mula classroom tungo sa trabaho. (Arnold Pajaron Jr)
