Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ang kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya, ayon sa pahayag ng kanyang abogado na si Atty. Cornelio Samaniego.
Kinumpirma ni Samaniego na kusang loob na nagtungo sa NBI si Discaya noong umaga, kahit wala pang inilalabas na warrant of arrest laban sa kanya.
“This morning. Wala siya tinatago, her lawyer accompanied her,” ayon kay Samaniego sa isang mensahe sa Viber.
Ang pagsuko ni Discaya ay naganap sa parehong araw na sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaasahang lalabas na ngayong linggo ang warrant of arrest para sa negosyanteng bilyonarya.
Ang kaso ay nag-ugat sa graft at malversation charges na isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Discaya at siyam pang indibidwal kaugnay ng P96.5-milyong flood control project sa Davao Occidental na fully paid ngunit hindi kailanman naipatayo.
Samantala, kinumpirma rin ni Samaniego na isa sa mga co-respondents sa kaso, si Ma. Roma Angeline Rimando, ay sumuko na rin sa Pasig City Police Station.
Patuloy na inaabangan ang pormal na paglalabas ng arrest warrant habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naturang proyekto.
