Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang construction worker na wanted wanted sa kaso ng ilegal na droga matapos malambat ng pulisya sa pinaigting na manhunt operation sa Malabon City.
Sa kanyang ulat sa Northern Police District (NPD), kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang akusado bilang si alyas “John”, 18, construction worker ng Hernandez St., Brgy.., Catmon.
Ayon kay Col. Umipig, nakatala ang akusado bilang No. 8 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD at No. 7 naman sa TTMWP sa Malabon CPS.
Nang makatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar, kaagad ipinag-utos ni Col. Umipig sa kanyang mga tauhan ang malawakang pagtugis sa kanya.
Dakong alas-12:30 ng tanghali nang tuluyang makorner ng tumutugis na mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS ang akusado sa kanilang lugar.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Malabon Regional Trail Court Branch 289, noong November 20, 2025 para sa paglabag sa Section 11 ng R.A 9165 na may inirekomendang piyansa na halagang 200K para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Ayon kay Col. Umipig, pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte na nag-isyu ng warrant. (JUVY LUCERO)
