Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na bigyang-prayoridad ang ilang mahahalagang panukalang batas, kabilang ang Anti-Political Dynasty Bill, bilang bahagi ng kampanya para palakasin ang transparency at accountability sa pamahalaan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ibinigay ng Pangulo ang direktibang ito sa isinagawang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting nitong Martes ng umaga.
“President Marcos directed Congress to take a closer look at these proposed bills and prioritize their passage as soon as possible,” pahayag ni Castro.
Kabilang sa mga panukalang binigyang-diin ng Pangulo ay ang Anti-Dynasty Bill; Independent People’s Commission (IPC) Act; Party-List System Reform Act; at Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act
Dumalo sa pagpupulong sina Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Sandro Marcos, Sen. Migz Zubiri, at iba pang lider ng Kongreso. Nagkasundo rin ang mga lumahok sa timeline para sa pagpasa ng 2026 General Appropriations Bill at pagsusumite ng mga enrolled bill para sa pirma ng Pangulo.
ANTI-DYNASTY BILL
Layunin ng panukala na ipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution na nagbabawal sa political dynasties.
Ilan sa mga nakabinbing panukala:
- House Bills 209 at 5905 – pagbabawal sa magkakamag-anak hanggang ika-apat na antas
- Senate bills kabilang ang kay Sen. Ping Lacson – hanggang ikalawang antas
- Sen. Risa Hontiveros – nagsumite ng sariling “Contra-Dynasty Act”
REPORMA SA PARTY-LIST SYSTEM
Giit ni Marcos, kinakailangan ang reporma dahil 86 sa 156 accredited party-list groups umano ay may kaugnayan sa mga political dynasty.
INDEPENDENT PEOPLE’S COMMISSION (IPC)
Nakatakdang lumikha ng isang permanenteng, independent at non-partisan na komisyon na magsisiyasat sa mga iregularidad at korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno — mula national agencies, LGUs, hanggang GOCCs.
Gayunpaman, ilang kritiko at mambabatas ang nagtanong sa pagiging tapat ng administrasyon sa panukala.
- Si Sen. Lacson ay nagpahayag ng pangamba sa umano’y kakulangan ng aktibong suporta mula Malacañang.
- Si Akbayan Rep. Chel Diokno ay nagsabing tila kulang ang seryosidad ng pamahalaan sa paglaban sa korapsyon.
CADENA ACT
Layunin nitong i-digitize ang lahat ng transaksiyon sa paggastos ng gobyerno at gawing accessible sa publiko para masiguro ang mas bukas at transparent na pamamahala.
Nananatiling malaking hakbang para sa administrasyon ang pagpasa ng mga panukalang ito, na nakikitang susi sa mas malinis, mas episyente, at mas accountable na pamahalaan.
