Wala pang natatanggap o nakikitang anumang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Lunes, Disyembre 8.
“We have not officially received and neither have we seen a copy of the warrant of arrest against Sen. De La Rosa as of this time,” paglilinaw ni Prosecutor General Richard Fadullon.
Lumabas ang pahayag matapos ang kontrobersyal na claim ni dating presidential spokesperson Harry Roque na umano’y naglabas na ng warrant ang ICC laban sa senador.
Noong Disyembre 7, habang nasa Europe at umano’y naghahanap ng asylum, nag-post si Roque sa Facebook na may babala kay Dela Rosa.
“Sen Bato, your warrant of arrest is out! Huwag ka pa-kidnap! Mag-posas ka na sa Supreme Court! Mag-sanctuary ka dun!”
Wala namang kumpirmasyon ang DOJ sa mga pahayag ni Roque.
Ang mga alegasyon ni Roque ay kasunod sa naunang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong Nobyembre, na nagsabing may arrest warrant na ang ICC laban kay Dela Rosa kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa drug war ng administrasyong Duterte.
Simula noon, hindi na umano lumalabas sa Senado si Dela Rosa.
Nag-file ang senador ng isang “very urgent motion” sa Korte Suprema para i-compel ang Ombudsman na ipakita ang sinasabing warrant, ngunit tinanggihan ito ng korte.
Simula Nobyembre 10, inatasan ng ICC ang lahat ng aplikasyon para sa arrest warrants o summons na “under seal” o sekreto maliban kung payagan ng chamber.
Layunin nitong protektahan ang mga imbestigasyon at tiyaking maayos ang proseso ng pag-aresto.
Si Dela Rosa, PNP chief mula 2016 hanggang 2018, ay itinuturing na “architect” ng Oplan Tokhang, na naisama sa imbestigasyon ng ICC hinggil sa malawakang pagpatay sa war on drugs.
Sinabi naman ng Malacañang na kahit may umiiral na warrant mula sa ICC, hindi ito awtomatikong maipapatupad, dahil kailangan pa ring dumaan sa proseso sa Philippine judiciary, alinsunod sa umiiral na Supreme Court rule.
Sa ngayon, nananatiling walang opisyal na kumpirmasyon ukol sa anumang ICC warrant laban kay Dela Rosa.
