Matapos ipag-utos ng Korte Suprema ang pagbabalik ng P60 bilyon sa PhilHealth, nananawagan naman ngayon si dating Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ibalik din ng gobyerno ang mas malaking P107.23 bilyong pondo na kinuha mula sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC).
Ayon kay Zarate, “mas malaki pa sa elepante” ang isyu ng PDIC funds na tila hindi napagtuunan ng pansin sa desisyon ng Korte Suprema.
Sa desisyong inilabas kamakailan, inatasan ng Korte Suprema ang gobyerno na ibalik ang P60 bilyon sa PhilHealth, pero wala itong binanggit tungkol sa P107.23 bilyong remittance ng PDIC na ibinuhos sa national treasury noong Enero para pondohan ang iba’t ibang proyekto ng administrasyon.
“Welcome pero partial affirmation lang ito,” ani Zarate
“Nakababahala na walang katulad na utos sa P107-bilyong PDIC fund transfer,” dagdag pa niya.
Ang P107.23 bilyong binawi sa PDIC ay bahagi ng deposit insurance fund, na mula sa kontribusyon ng mga bangko at nakalaan para proteksyunan ang mga deposito ng publiko hanggang P1 milyon bawat account sakaling may bank failure.
Sa oras na inilipat ang pondo sa treasury, sinabi ng PDIC na “sapat pa rin” ang trust fund nila. Ang salaping ito ang ginamit upang pondohan ang food stamp program, Panay-Guimaras-Negros bridge, Metro Manila Subway at North–South Commuter Railway
Pinuna ni Zarate ang umano’y arbitrary na pagdedeklarang “excess funds” ng mga GOCC gaya ng PDIC, na aniya’y ginawa para pondohan ang unprogrammed appropriations ng administrasyon Marcos Jr.
“May delikadong legal loophole dito,” babala niya.
“Maaaring ma-embolden ang Kongreso na muling magpasok ng special provision sa national budget para kumuha ng pondo mula sa GOCCs,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Giit ni Zarate, ang paggamit ng pondo ng GOCCs nang walang masusing budget scrutiny ay lumalabag sa prinsipyong dapat protektado at nakalaan ang nasabing mga trust fund sa kanilang orihinal na mandato.
Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng pahayag ang PDIC o ang Malacañang hinggil sa panibagong panawagang ibalik ang naturang pondo.
