Sabi nga sa sikat na awit na “Ang Pasko ay Sumapit”, “at magbuhat ngayon kahit hindi Pasko ay magbigayan.”
Simpleng-simple, mga ka-Berdugo at tunay na makabaluhan. Pero sa Quezon City, bakit parang hindi ito ang sinusunod ng mga tauhan ni Mayor Joy Belmonte?
Kung tutuusin, ang Pasko ang paboritong panahon ng mga Pilipino, panahon ng pagbibigayan, hindi ng pamimili. Panahon ng malasakit, hindi ng kalituhan. Kaya nakakapanlumo ang mga reklamo ng mga taga-Kyusi na tila freemium app ang Pamaskong Handog. Libre nga, pero para lang sa “selected users.”
Araw-araw, ito ang usap-usapan sa kalye, sa palengke, maging sa social media, pero bakit parang para sa “pili lang” ang Christmas package? Bakit kailangan pa ng QC ID na hindi naman lahat ay kayang ayusin agad? Bakit parang mas mahaba pa ang proseso kaysa sa mismong laman ng package na wala pa raw P300? Susmaryosep!
Kung totoong isang milyong Pamaskong Handog bag ang nakalaan, bakit may mga kabahayan na hindi man lang nadaplisan ng stub? At ang mas masakit, mismong mga botante raw ang initsapwera. Pwe!.
Naku ha, huwag kayong pabaya!
Mantakin n’yo. Kayang-kaya ninyong mag-house-to-house sa panahon ng eleksyon, pero hindi ninyo magawa para sa Pamaskong Handog? Bakit sa pagboto mas mabilis, pero sa pagbibigay mas komplikado?
At ’yung laman ng package? Aba, hindi na bago sa tainga ng publiko ang salitang “kulang-kulang” at mas nakakabahala kung pati pamasko ay napapasama sa usapin ng dagdag-bawas.
Mga ka-Berdugo, ang pagkukulang sa pamamahagi ng Pamaskong Handog ay hindi simpleng miscommunication. Ito ay repleksiyon ng sistemang hindi pantay, hindi organisado, at hindi maka-masa. Get’s nyo?
Kung totoong gusto ng pamahalaang lungsod na maramdaman ng lahat ang diwa ng Pasko, sana ayusin nila ang programang ito, hindi dahil magandang pagpapapogi lamang, kundi dahil ito ang tama.
Pero sa ngayon, ito ang tanong ng maraming taga-QC, “Bakit parang ang Pamaskong Handog ay nagmumukhang “Pamaskong Hadlang” para sa ilan?”
Nyek!
Sana naman pakinggan ni Mayor Joy Belmonte ang hinaing ng madlang pipol. Ang Pasko ay para sa lahat at hindi para sa pili lang. ‘Yun lamang po.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
