Sa kulungan ang bagsak ng isang ama at dalawa nitong kaanak matapos umanong gahasain ang kanyang panganay na anak.
Ayon sa ulat, hinabol ng Philippine National Police Maritime Group ang suspek habang sakay ito ng isang motorbanca na patungo umanong Bulacan upang takasan ang krimen na kanyang ginawa.
“Gumamit siya ng rented banca from Navotas Fish Port at supposedly tatawid siya ng Bulacan,” ayon kay Police Major Dandy Ferriol Jr., hepe ng PNP Maritime Group NCR North Station.
Nahaharap ang suspek sa kasong qualified rape sa Leyte dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa dalawang kaanak sa panggagahasa sa kaniyang anak, na menor de edad pa noong mangyari ang panghahalay.
“Tatlo sila na accused dito—yung stepfather ng victim, yung tito o kapatid ng nahuli namin, at ang biological father ng biktima,” paliwanag ni Ferriol.
Nauna nang naaresto ang stepfather at ang tiyuhin ng biktima bago natunton at madakip ang ama.
Patuloy pang sinusubukan ng Agila ng Bayan na kunin ang panig ng pinaka¬huling naarestong suspek. (Boyet Barba Jr)
