Pinangunahan ng Department of Science and Technology–Cordillera Administrative Region (DOST-CAR), katuwang ang DOST-CALABARZON, ang matagumpay na benchmarking activity sa Santa Rosa City, Laguna noong Disyembre 3, 2025. Dinaluhan ito ng mga opisyal at kinatawan mula sa iba’t ibang regional at provincial offices ng DOST.
Ang aktibidad ay bahagi ng proyekto ng DOST-CAR na “Empowering Communities through SMART Roadmaps and Technologies,” na naglalayong magsagawa ng benchmarking sa mga progresibong lungsod sa bansa.
Kinikilala ang Santa Rosa bilang isa sa mga nangungunang smart cities sa Pilipinas, kaya’t naging perpektong host ito sa pagbabahagi ng mga best practices sa smart at sustainable community initiatives, digital transformation, at smart governance.
Mga tampok sa site tour
Sinuyod ng delegasyon ang iba’t ibang pasilidad at programa ng Santa Rosa upang makita ang mga makabagong proyekto ng lungsod:
1. Water Testing Laboratory at Pyrolysis Facility
Dito sinimulan ang tour kung saan ipinaliwanag ni Engr. Maria Amor Salandanan, hepe ng City ENRO, ang waste management innovations at circular economy initiatives ng lungsod kabilang ang operasyon ng pyrolysis facility.
2. Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO)
Pinangunahan ni Antonio Z. Lu, City DRRMO Operations Manager, ang pagpapakita ng advanced disaster preparedness system ng Santa Rosa. Tampok dito ang AI-powered traffic monitoring system, incident response mechanisms, weather monitoring tools, at ang kumpletong fleet ng disaster response vehicles at equipment.
3. Santa Rosa City Hall at IT Room
Ipinakita rin sa delegasyon ang iba’t ibang digital governance systems ng lungsod. Ipinresenta ang mga information system na sumusuporta sa internal operations at health programs bago libutin ang IT Room at City Health Office.
Nagtapos ang aktibidad sa courtesy visit sa opisina ni Mayor Arlene Arcillas na mainit na tumanggap sa mga delegado.
Patuloy na kinikilala ang Santa Rosa City bilang pioneer smart city, matapos itong tumanggap ng pitong parangal sa Smart and Sustainable Communities categories ng 2025 National Science, Technology, and Innovation Week (NSTW) na ginanap sa Laoag City.
Kabilang sa mga natanggap na parangal ng lungsod ay:
Human Well-Being Pillar:
- Quick Response: Safer Santa Rosa (Level 2)
- Santa Rosa Book and Ride: Free Toyota Community Shuttle (Level 3)
Wealth Protection Pillar:
- Pagpapalakas ng Resilience ng Santa Rosa sa pamamagitan ng Disaster Preparedness (Level 2)
- Assistance of the Santa Rosa Manpower Training Center in the Employment of Graduate Students (Level 2)
- Santa Rosa e-Recruit: Digitalizing Local Employment Matching and Services (Level 3)
- Santa Rosa Central Command Center (SRCCC) (Level 3)
- Sustained Nourishment: A Collaborative Feeding Initiative with the City of Santa Rosa (Level 3)
Sa patuloy na teknikal na suporta ng DOST-CALABARZON, nananatiling matatag ang Santa Rosa sa pangakong maging huwarang smart city—isang lungsod na gumagamit ng Science, Technology, and Innovation (STI) upang lalo pang mapabuti ang serbisyo sa publiko.
Para sa iba pang S&T updates, i-follow ang DOST-CALABARZON. (Mina Paderna)
