Pinalakas ng Manila Electric Company (Meralco) ang suporta nito sa sustainable industrial growth matapos makipagkasundo sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para sa mas mabilis na pag-develop at pag-energize ng mga greenfield ecozones sa bansa.
Pormal na nilagdaan ang memorandum of understanding na magtatakda ng pagtutulungan ng dalawang institusyon sa pagpapaunlad ng PEZA-owned greenfield ecozones, kabilang ang Pantao Ecozone sa Albay at Palawan Mega Ecozone sa Puerto Princesa.
Sa kasalukuyan, sinusuplayan na ng Meralco ng kuryente ang 244 sa 433 ecozones sa bansa gaya ng Cavite Economic Zone at First Philippine Industrial Park sa Batangas.
Pinangunahan ang signing ceremony nina Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan, EVP at COO Ronnie L. Aperocho, SVP at Chief External and Government Affairs Officer Arnel D. Casanova, PEZA Director General Tereso O. Panga, at PEZA Deputy Director General for Policy and Planning Anidelle Joy M. Alguso.
Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang Meralco at PEZA upang matiyak ang maaasahan, abot-kaya, at tuluy-tuloy na power supply para sa operasyon ng ecozones.
Ang PEZA ang tutukoy sa mga ecozone na kailangan ng assessment at makikipag-ugnayan para sa permits at access. Habang ang Meralco naman ang magbibigay ng makabagong energy solutions na akma sa pangangailangan ng mga bagong economic hubs.
Ayon kay Aperocho, malaking hakbang ang partnership para sa pagbuo ng modernong greenfield ecozones na magsisilbing “engines of growth” ng bansa.
“Ang mga proyektong ito na binubuo mula sa simula ay nangangailangan ng makabagong imprastraktura, partikular na ang matatag at modernong power distribution systems,” ani Aperocho.
Bilang katuwang ng pamahalaan sa nation-building, ipinagpatuloy ng Meralco ang pagpapaunlad ng mga solusyon sa enerhiya upang mas mapatatag ang posisyon ng Pilipinas bilang pangunahing investment destination.
“Sa pagsasanib ng commitment ng PEZA at world-class utility expertise ng Meralco, masisiguro nating ang matatag na suplay ng kuryente ang magiging gulugod ng sustainable development,” dagdag pa ni Aperocho. (Mina Paderna)
