Inilipat na kagabi sa Correctional Institution for Women (CIW) ang dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo, kasama sina Jaimielyn Santos Cruz at Rachelle Joan Malonzo Carreon, matapos ang kanilang paglabas mula sa Pasig City Jail Women’s Dormitory.
Ayon sa ulat na isinumite ni CIW CT/Supt. Marjorie Ann Sanidad kay Bureau of Corrections (BuCor) Officer in Charge Asec. Al Perreras, dumating ang tatlo sa Reception and Diagnostic Clinic (RDC) ng CIW dakong 10:17 PM, sakay at bantay ng mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pangunguna ni JCINSP Jean Olive Unciano, warden ng Pasig City Jail Female Dormitory.
Inilipat sila alinsunod sa Mittimus Order na nilagdaan ni RTC Branch 167 Judge Annielyn B. Mendes-Cabels.
Si Guo, kilala rin bilang Guo Hua Ping (Prison No. C225P-531), si Cruz (Prison No. C225P-530), at si Carreon (Prison No. C225P-529) ay hinatulang mabilanggo nang habang-buhay dahil sa qualified trafficking, at inatasang magbayad ng P2 milyon na multa.
Ipinaliwanag ni Sanidad na ang tatlo ay isasailalim muna sa five-day quarantine sa RDC para sa masusing medical examination.
Pagkatapos nito, ililipat sila sa regular dormitory ng RDC sa loob ng 55 araw para sa mandatory orientation, diagnostic procedures, at qualification.
Pagkumpleto ng 60-day process, sila ay ililipat sa kanilang nakatalagang regular dormitory sa Maximum Security Camp, dahil sa kanilang hatol na life imprisonment.
Nauna nang sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na ang 55-day assessment period ay mahalaga upang malaman ang psychological at physical needs ng bagong persons deprived of liberty (PDLs).
Ang impormasyong ito, aniya, ay magsisilbing basehan sa paggawa ng individualized treatment plan para sa bawat inmate.
Dagdag pa niya, nagbibigay ang RDC ng orientation at educational programs para matulungang makapag-adjust ang mga bagong PDL sa correctional environment, habang nauunawaan nila ang kanilang mga karapatan at ang mga patakaran ng pasilidad. (Mina Paderna)
