Larawan mula sa LTFRB
Ipinahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi muna itutuloy ang planong P1 hanggang P2 taas pasahe sa mga traditional at modern jeepney kasunod ng malaking rollback sa presyo ng diesel nitong mga nakaraang araw.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, hindi pa rin aniya napapanahon ang fare hike sa kasalukuyan. “Malaki ang magiging epekto ng taas pasahe sa ekonomiya at sa pangkalahatan, lalo na’t bumabangon pa lang ang ilang probinsyang nasalanta mula sa matinding kalamidad tulad ng nakaraang lindol at bagyo,” paliwanag ni Lopez.
Dagdag ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza, mariing tumututol sa panukalang dagdag pasahe ang hindi bababa sa limang rehiyon, kabilang ang tatlong pinakamataong rehiyon: Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Central Visayas, at Metro Manila. Lumabas din sa konsultasyon ng LTFRB na nag-aalinlangan mismo ang mga transport group sa pagpapatupad ng fare hike.
Ayon sa pag-aaral ng Department of Economy, Planning and Development (DepDev), ang dagdag na P1 hanggang P2 sa base fare ng jeepney ay maaaring magtulak sa pagtaas ng inflation rate sa susunod na dalawang taon. Binanggit ni Secretary Lopez na maaapektuhan hindi lamang ang mga commuter kundi pati ang pamilya ng mga tsuper at operator, dahil tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Lubos na nauunawaan ng DOTr at LTFRB ang mga hinaing ng transport groups at ilang suhestiyon mula sa consultation meetings. Kasunod ng direktiba ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr., naghahanap na ang DOTr at LTFRB ng mga alternatibong paraan para matulungan ang mga tsuper at operator.
Isa sa mga hakbang ay ang pagpapaigting ng kampanya laban sa kolorum. Magtatatag ang DOTr at LTFRB ng Anti-Colorum Task Force, katuwang ang Department of Justice (DOJ) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), upang tutukan ang mga sindikato sa likod ng ilegal na operasyon. Lumalabas na 30 porsiyento ng arawang kita ng mga lehitimong PUV drivers at operators ay napupunta sa colorum operation.
Hinikayat ni Secretary Lopez at Chairman Mendoza ang mga kolorum na maging legal at samantalahin ang 17,000 available slots para sa TNVS.
“Hahabulin at huhulihin natin ang mga sangkot sa ilegal na operasyong ito. Hindi titigil ang DOTr at LTFRB sa pagtugis sa inyo dahil kapakanan ng mga lehitimong PUV drivers, at maging mga commuter ang nakasalalay dito,” ani Mendoza.
“Magandang pagkakataon ito para talikuran ang ilegal na gawain. Tinitiyak namin na magiging patas at mabilis ang proseso. Mas mabuti na ito kaysa palaging mabuhay sa takot na mahuli, makulong, at magmulta ng malaki,” dagdag pa niya. (Mina Paderna)
