Humiling ang ilang concerned employees ng Department of Health (DOH) sa Office of the Ombudsman na imbestigahan si Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa dahil sa umano’y malapit na ugnayan sa pharmaceutical contractor na Zuellig Pharma Corporation, na nagdudulot umano ng posibleng paglabag sa anti-graft at procurement laws.
Ayon sa 11-pahinang reklamo na isinampa kamakailan, inakusahan ng mga empleyado si Herbosa na “patuloy na nakikisalamuha” sa kumpanya kahit aktibo itong lumalahok sa bidding at procurement activities ng DOH. Binanggit ng mga nagreklamo na dumadalo si Herbosa sa mga company-sponsored trips, social gatherings, at out-of-town activities, na naganap habang may ongoing procurement projects ang Zuellig sa ahensya.
Kabilang sa mga binanggit na procurement ang pagkuha ng inactivated polio vaccine na nagkakahalaga ng P674 milyon at procurement ng Retuximab na nagkakahalaga ng P122.9 milyon
Ayon sa reklamo, parehong nakabinbin sa Commission on Audit (COA) ang mga naturang proyekto dahil sa ongoing protests.
Dagdag pa rito, ilang subsidiaries ng Zuellig, tulad ng Metro Drug Incorporated at Intepharma Holdings and Management Corporation, ang nag-file rin ng protesta kaugnay sa procurement ng chick embryo cell rabies vaccine na nagkakahalaga ng P24.9 milyon.
“Ang pakikipagkaibigan ni Sec. Herbosa sa Zuellig group ay lumilikha ng delikadong kapaligiran kung saan ang mga desisyon ay maaaring maimpluwensyahan sa likod ng eksena, at isang contractor lamang ang nagkakaroon ng pribilehiyong access na wala ang ibang bidder,” ayon sa reklamo.
Kasama sa reklamo ang ilang screenshots na umano’y nagpapatunay sa malapit na ugnayan ni Herbosa sa kumpanya, kabilang ang pagdalo sa consultative forum ng Zuellig Family Foundation noong 2023, pagbati ng kumpanya sa kanyang pagkakakumpirma bilang health secretary noong 2023, pagdalo sa forum ng kumpanya sa Thailand noong Pebrero 2025 at pagbisita ng executives ng kumpanya sa opisina ni Herbosa
Hiniling din ng mga empleyado sa Ombudsman ang preventive suspension ni Herbosa at posibleng administrative penalties sakaling mapatunayan ang mga paglabag.
Sinubukan ng Agila ng Bayan na makakuha ng pahayag mula kay Sec. Herbosa ngunit hanggang sa oras ng paglalathala ay wala pang tugon. (Limuel Tolentino)
