UTAS ang 49-anyos na negosyante at Sitio Chairman nang biglang mawalan ng malay matapos tumulong sa isang insidente ng naputol na live wire sa Brgy. San Isidro, Antipolo City nitong Miyerkules, Disyembre 4.
Ayon sa Antipolo Component City Police Station (CCPS), nangyari ang insidente bandang alas-5:30 ng umaga sa tapat ng isang elementary school sa C. Lawis Extension. Naiulat ang insidente sa pulisya makalipas ang ilang oras, bandang alas-11:45 ng umaga.
Batay sa paunang imbestigasyon, minamaneho umano ng suspek na si Leo, 34, ang isang dump truck na bumabaybay pababa sa C. Lawis Extension patungong westbound. Pagdating sa lugar ng insidente, sumabit ang dump box sa isang live wire ng Meralco, dahilan upang mahatak ito, maputol, at mag-spark.
Humingi ng tulong ang saksi na si Julie, 35, sa biktima na si Amante, Sitio Chairma, at nakatira sa nasabing lugar. Dinala umano ng biktima ang kanyang fire extinguisher at tinangkang kontrolin ang nag-i-spark na live wire. Matagumpay niya itong napigil.
Subalit, habang naglalakad pabalik mga sampung metro mula sa pinangyarihan, bigla na lamang itong bumagsak at nawalan ng malay. Agad siyang sinalo ng asawa at dinala sa Rizal Provincial Hospital Annex 2, ngunit idineklara itong Dead on Arrival dakong alas- 5:45 ng umaga ng attending physician na si Dr. Jose Rafael B. Rosal.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pananagutan ng driver, habang inaasahang magsasagawa ng karagdagang pagsusuri ang mga awtoridad upang matukoy kung ang pagkaputol ng live wire ang nagdulot ng electrical exposure o iba pang salik na nagresulta sa biglaang pagkamatay ng biktima.
