SINABI ni Navotas City Congressman Toby Tiangco na ang pagbibitiw ni dating Public Works secretary Rogelio “Babes” Singson bilang isa sa mga komisyoner ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ay nagbibigay-diin para agarang maipasa na ang panukalang batas na Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC).
“While we value Sec. Babes’ expertise, naiintindihan din natin if he wants to prioritize his health, and the safety and well-being of his family,” ani Tiangco.
“Pero ipinapakita nitong resignation na sa dami at bigat ng mga proyektong dapat imbestigahan, kailangan na talagang palakasin ang mandato ng ICI,” dagdag niya.
Nauna nang inihain ni Tiangco ang House Bill No. 5699 na lumikha sa ICAIC, isang pinalakas na katawan na may mas malawak na awtoridad na imbestigahan ang mga anomalya sa mga proyektong imprastraktura sa buong bansa. Sinabi niya na ang hakbang na ito ay titiyak sa pagpapatuloy ng pangangasiwa kahit na magbitiw ang mga komisyoner dahil sa personal o mga kadahilanang pangkalusugan.
Sa ilalim ng panukala, ang komposisyon ng ICAIC ay palalawakin mula tatlo hanggang limang miyembro, kabilang ang isang retiradong mahistrado, isang engineer or architect na may at least 20 years experience, isang certified public accountant na may 20 taong karanasan, isang kinatawan mula sa akademya, at isang kinatawan mula sa isang kagalang-galang na NGO.
Ang unang tatlong miyembro ay magsisilbi sa holdover capacity dahil sinimulan na nila ang patuloy na mga imbestigasyon.
“Kapag naipasa ang batas, hindi maaantala ang imbestigasyon dahil lang may nagbitiw, dahil lima na ang members nito,” diin niya.
Binigyang-diin din ni Tiangco na ang ICAIC ay bibigyan ng kapangyarihan na magrekomenda ng pagsasampa ng mga kaso, mag-refer ng mga na-verify na reklamo sa AMLC, mag-isyu ng mga subpoena, magkakaroon ng contempt powers at mag-isyu ng mga preventive suspension o hold-departure order laban sa mga opisyal na pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian.
Nagpahayag din siya ng kumpiyansa na uunahin ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang hakbang, na tinatawag itong mahalaga sa muling pagtatayo ng tiwala ng publiko.
“We should heed the call of Sec. Babes and the people who are working in ICI. Mismong sila na ang nagsasabi na kailangan nila ng tulong para magawa nila nang mabilis at maayos ang trabaho nila,” aniya.
“By making this bill a priority, ipinapakita natin sa taumbayan na handa tayong papanagutin ang mga nakinabang sa mga maanomalyang infrastructure projects, kahit mambabatas pa ang mga ‘yan,” dagdag niya.
Sa isang naunang press briefing, hinimok mismo ni Singson ang mga mambabatas na kumilos nang mabilis sa mga bersyon ng parehong kapulungan ng panukala.
“I am appealing to members of Congress, both the House and the Senate, ipasa niyo na ‘yong Independent Peoples Commission at the Senate level, and the ICAIC which is the lower house version,” pahayag ni Singson.
“They committed that they will pass it before the end of the year, so hopefully by then you will have a much stronger independent commission with proper powers and authorities that the ICI does not have.”
“We need strong support from both houses of Congress. Otherwise, on its own and without the necessary powers, unfortunately it will not move as fast as we want to,” dagdag niya. (JUVY LUCERO)
