PATAY ang isang lalaki matapos saksakin ng kanyang tiyuhin habang sugatan naman ang kanilang kapitbahay nang saksakin din ng suspek sa Malabon City.
Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa dibdib ang biktimang si Jimy Gajo, Jr. 34, habang pinayagan namang makauwi na si alyas “Celo”, 65, matapos magamot ang tinamong sugat.
Nadakip naman ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang suspek na si alyas “Pedong”, 63, at nabawi sa kanya ang ginamit na patalim na may bahid pa ng dugo.
Sa imbestigasyon nina P/SSg Bengie Nalogoc at P/MSg Michael Oben, unang pinagsasaksak ng suspek ang pamangkin na kasama niya sa bahay nang pasukin sa loob ng silid Miyerkules ng umaga bago sinugod at sinaksak din ang kapitbahay na si alyas Celo na nasugatan sa mukha at dibdib makaraang makatakbong palabas ng bahay.
Sinabi sa pulisya ng ina ng biktima na tinakot siya ng kapatid na sasaksakin nang puntahan ang silid ng anak matapos marinig ang kalabugan bagama’t inamin din niya na pasaway ang kanyang anak at pati siya ay minumura kaya madalas silang mag-away ng kanyang tiyuhin.
Kasong murder, frustrated murder, at threat ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor Office. (JUVY LUCERO)
