Kinumpirma ng ABS-CBN Corporation nitong Huwebes, Disyembre 4, na natanggap nito ang notice of termination mula sa TV5 Network ni Manny Pangilinan, kaugnay ng umano’y hindi nabayarang P1 bilyong halaga sa ilalim ng kanilang content supply agreement.
Ayon sa inilabas na pahayag ng ABS-CBN sa Philippine Stock Exchange (PSE), mariing itinanggi ng network na sinadyang ipinagpaliban ang pagbabayad. Idinagdag nila na humingi sila ng karagdagang panahon upang maayos ang kanilang obligasyon at humingi ng pang-unawa, lalo na’t matagal nang nawalan ng broadcast franchise ang kumpanya noong administrasyong Rodrigo Duterte.
Matapos mawalan ng franchise, nag-shift ang ABS-CBN bilang content provider sa kanilang dating kakompetensya tulad ng TV5, GMA Network, at iba pang may-franchise tulad ng ALLTV ni Manny Villar at A2Z ni Eddie Villanueva. Nakipag-deal din ang Kapamilya network sa streaming platforms gaya ng Netflix, Viu, at pina-consolidate ang sarili nilang platform sa iWant.
Nag-renew ang ABS-CBN ng content agreement sa TV5 noong Hunyo 2023. Sa ilalim ng limang taong kontrata, patuloy nitong isusupply ang mga palabas sa TV5 para sa weekday at weekend primetime slots, kabilang ang mga sikat na series tulad ng Batang Quiapo, Roja, at What Lies Beneath, na ipinapakita rin sa digital platforms ng ABS-CBN tulad ng YouTube.
“ABS-CBN confirms receipt of a notice of termination of its TV Content Supply Agreement with TV5. We deeply regret that this action has been taken at this critical juncture in our recovery… Contrary to media reports, the amounts and manner of the claims remain disputed. We acknowledge our obligations to TV5 and are doing everything we can to address these payments,” ayon sa pahayag ng ABS-CBN.
Dagdag pa ng kumpanya, walang katotohanan sa paratang na sinadyang ipinagpaliban ang pagbabayad at patuloy silang nakikipag-usap para sa makatarungan at makatwirang solusyon.
Sa kasalukuyan, sinabi ng TV5 na ang ABS-CBN shows ay patuloy na ipapalabas sa Kapatid channel. Nakatakda ring maglabas ng pormal na pahayag ang TV5 bilang tugon sa disclosure ng ABS-CBN.
